Diskurso PH
Translate the website into your language:

Remulla: ‘May mga kumikitang talo’ sa mga proyekto ng DPWH

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-23 09:37:54 Remulla: ‘May mga kumikitang talo’ sa mga proyekto ng DPWH

MANILA — Isang bagong anggulo ng korapsyon sa mga flood control projects ang iniimbestigahan ngayon ng Office of the Ombudsman, matapos mabunyag na kahit ang mga talong bidder sa mga proyekto ng gobyerno ay tumatanggap umano ng 3% ng kabuuang halaga ng proyekto.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, natuklasan ang impormasyon sa pakikipagpulong niya sa mga opisyal ng Philippine Competition Commission (PCC) noong Oktubre 22. “The PCC was here, and we're looking at the different problems emerging from flood control. And the Philippine Competition Commission is looking at the bid-rigging angle,” ani Remulla sa isang press conference.

“They were able to identify the person who is always the losing bidder and has made a living out of being a losing bidder,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng naturang scheme, tinatawag umano itong “for the boys,” kung saan hinahati-hati ang 3% ng project cost sa mga talong bidder at iba pang sangkot. “Three percent of the project cost is given to the losing bidders. That’s it. They call it for the boys. Hinahati-hati yan sa losing bidders…at meron pang ibang binibigyan. Dating gawain na ‘yan sa DPWH,” pahayag ni Remulla.

Ibig sabihin, sa isang rigged na ₱100-milyong proyekto, may ₱3 milyon na napupunta sa mga talong bidder — kahit wala silang aktwal na ginagampanang trabaho sa proyekto.

Ang imbestigasyon ay bahagi ng mas malawak na pagsisiyasat ng Ombudsman sa mga ghost at substandard flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kung saan ilang opisyal at kontratista ang nasangkot sa mga kasong isinampa noong Setyembre.