Diskurso PH
Translate the website into your language:

Martires, kinuwestiyon ang SALN ni Kiko — Nasaan ang yaman ni Sharon?

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-30 13:26:10 Martires, kinuwestiyon ang SALN ni Kiko — Nasaan ang yaman ni Sharon?

OKTUBRE 30, 2025 — Binatikos ni dating Ombudsman Samuel Martires si Senador Francis “Kiko” Pangilinan kaugnay ng umano’y kulang na deklarasyon sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), partikular sa hindi pagsama ng ari-arian ng kanyang asawa, si Sharon Cuneta.

Sa panayam sa Bilyonaryo News Channel, tinanong si Martires tungkol sa patutsada ni Pangilinan sa social media na humihimok kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla na ilabas ang SALN ng dating Ombudsman. 

Ayon sa post ni Pangilinan: “Unahin ni Remulla ilabas yung SALN ni dating Ombudsman. If anyone should lead by example, it’s Martires. Baka sakali magka-alaman na bakit tutol ito sa paglabas ng SALN.”

Hindi pinalampas ni Martires ang banat. Aniya, hindi siya tutol sa paglalabas ng SALN, ngunit may mga alituntunin ang Senado na dapat sundin.

“Hindi ako tutol sa paglabas ng SALN kasi hindi lamang ako ang may tutol eh. Nakalimutan ni Sen. Pangilinan na siya’y sa Senado. At sila mismo sa Senado ay may sariling guidelines na hindi mo pwedeng ilabas ang SALN ng isang senador kung walang consent yung senador. Di ba? Kailangan may consent bawat isa,” paliwanag ni Martires.

Binigyang-diin ni Martires na ang kanyang ipinalabas na Memorandum Order No. 1 ay alinsunod sa Data Privacy Act, na aniya’y nagbago na sa mga probisyon ng Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

“This is actually the requirement of the Data Privacy Act, that’s why I am surprised when he said that. As a senator, he should know the laws. Alam nya dapat yung Data Privacy Act has practically amended or repealed the requirements in [Republic Act] 6713,” giit ni Martires.

Sa halip na sagutin ang hamon ni Pangilinan, ibinalik ni Martires ang tanong — Bakit hindi isinama ng senador ang yaman ng kanyang asawa sa SALN?

“Why did he also file a SALN of P23 million? Is that believable? Why didn’t he let his wife, Sharon Cuneta, join or state her assets and liabilities in his SALN?” tanong ni Martires. 

Ipinaliwanag pa ni Martires na kahit hindi empleyado ng gobyerno ang asawa, dapat pa ring isama ang kanyang ari-arian sa SALN ng opisyal.

“The requirement of [RA] 6713 is joint, whether your wife is in the government or not. Marami ho akong kaibigan, marami ho akong empleyado sa Ombudsman o sa ibang ahensya na ang asawa nasa private … pero sinasama yung income ng asawa sa kanilang declaration of assets and liabilities. Bakit siya hindi? Nakatingin ba siya sa ibang direksyon?” patutsada ni Martires.

Dagdag pa niya, “He is the one violating 6713, actually, not me. Wala akong tinatago.” 

Inilahad din ni Martires ang dahilan kung bakit naglabas siya ng patakaran hinggil sa SALN. Aniya, ginamit umano ng media ang kanyang SALN para palabasing may anomalya.

“I can account for all the money that I have and the reason why I issued actually that guidelines, that Memorandum Order no. 1, is because I gave to the media my exit SALN sa Supreme Court and my entry SALN sa Ombudsman,” paliwanag niya. 

“Syempre nung ako’y mag retire sa Supreme Court wala pa akong natatanggap na pension. Pag pasok ko sa Ombudsman natanggap ko na yung five year pension ko so talagang tumaas yung SALN ko. Sabi ng Philippine Star, Ombudsman richer by an x amount in five months. Eh para bang nangurakot ako. That’s not good so yan ang sinasabi ko wini-weaponize. You try to destroy a public official or an employee,” dagdag ni Martires.

Sa kabila ng kontrobersiya, handa raw si Martires na ipakita ang kanyang SALN kay Pinky Webb (siyang nag-interview sa kanya) basta’t hindi ito ilalathala at aalisin ang sensitibong detalye gaya ng address.

(Larawan: Philippine Entertainment Portal)