Diskurso PH
Translate the website into your language:

Money trail kay Chiz Escudero lumitaw sa imbestigasyon ng Ombudsman

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-05 08:20:57 Money trail kay Chiz Escudero lumitaw sa imbestigasyon ng Ombudsman

MANILA — Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na natukoy ng kanyang tanggapan ang isang money trail na umano’y nag-uugnay kay Senador Francis “Chiz” Escudero sa kontrobersyal na flood control fund scandal na kinasasangkutan ng bilyong pisong pondo ng pamahalaan.

Sa isang press conference noong Nobyembre 4, sinabi ni Remulla, “We have statements of a money trail leading to him, narrations of fact that are there already… but of course, we want to buttress it with other evidence which we're looking at right now.” Dagdag pa niya, “Pag wala ka makitang AMLC (Anti-Money Laundering Council) trail, then you have to follow a cash trail, and we will find it.”

Batay sa testimonya ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo, mayroong ₱160 milyon — tinatayang 20% ng ₱800 milyon — na ibinigay umano kay negosyanteng Maynard Ngu, na sinasabing para kay Escudero. Hindi pa malinaw kung paano ginamit ang naturang halaga, ngunit bahagi ito ng mas malawak na imbestigasyon sa mga “ghost projects” at iregularidad sa flood control programs.

Bukod kay Escudero, binanggit din ni Remulla ang pangalan ni Leyte Rep. Martin Romualdez at ilang miyembro ng Villar family bilang bahagi ng mga opisyal na iniimbestigahan kaugnay ng mga anomalya sa mga proyekto sa Las Piñas, Bacoor, at iba pang lungsod.

Ayon sa Ombudsman, magtatatag sila ng hiwalay na task force upang tutukan ang mga kaso ng korapsyon sa imprastruktura, partikular sa mga proyekto ng river drive at flood control. “More high-profile politicians will soon be held liable either for directly facilitating or for turning a blind eye on corruption-tainted flood control and other infrastructure projects,” ani Remulla.

Sa ngayon, patuloy ang pagkalap ng ebidensya ng Ombudsman upang mapalakas ang kaso laban sa mga sangkot. Wala pang pormal na kaso ang isinampa laban kay Escudero, ngunit nananatili siyang subject ng imbestigasyon.