Death toll kay Tino sumirit sa 114; 127 nawawala sa Visayas at Mindanao
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-06 09:16:17
MANILA — Umakyat na sa 114 ang bilang ng mga nasawi habang 127 ang naiulat na nawawala sa iba’t ibang rehiyon sa Visayas at Mindanao matapos ang pananalasa ni Bagyong Tino (Kalmaegi), ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes ng umaga.
Ayon kay OCD deputy spokesperson Diego Mariano, pinakamaraming nasawi ay mula sa Cebu Province na may 71 katao, habang ang iba pang mga nasawi ay naitala sa mga sumusunod na lugar:
- Negros Occidental – 18
- Negros Oriental – 12
- Agusan del Sur – 6
- Southern Leyte – 2
- Leyte, Antique, Capiz, Iloilo, Bohol – tig-iisa
Bukod sa mga nasawi, 82 katao ang naiulat na nasugatan. Sa tala ng OCD, pinakamaraming nawawala ay mula sa Mandaue City, kabilang ang 34 mula sa Compostela, 17 sa Balamban, 2 sa Cebu City, at tig-anim sa Talisay.
Patuloy ang search and rescue operations sa mga apektadong lugar, habang nananatiling alerto ang mga lokal na pamahalaan sa posibleng pagtaas pa ng bilang ng mga nawawala. Nagpapatuloy rin ang relief efforts para sa libu-libong evacuees na naapektuhan ng bagyo.
Larawan mula Cebu Province / Facebook
