Kickback daw sa DPWH, walang pirmahan; “Sinyasan system” lang — Discaya
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-14 17:10:14
MANILA — Inilahad ni Curlee Discaya sa Senate Blue Ribbon Committee na hindi direktang tumatanggap ng kickback ang ilang kongresista, at karaniwang sa pamamagitan lamang ng “sinyasan” nalalaman kung natanggap na ang pera.
Ayon kay Discaya, may mga taong nasa gitna na siyang kumikilos para sa mga opisyal. “Kadalasan po, hindi po talaga harap sa iyo yung congressman, kahit super friends pa kayo,” sabi niya. Idinagdag niyang ang mga chief of staff, district engineer o pinagkakatiwalaang aide ang kadalasang tumatanggap ng pera, hindi ang mambabatas mismo.
Nilinaw din niya na hindi sila maaaring magpirmahan ng dokumento bilang kumpirmasyon. “Bawal po yun kasi paper trail po yun,” wika niya. Dahil dito, nauuwi raw sa pakiramdaman at obserbasyon ang kumpirmasyon kung naabot ang kickback.
Paliwanag niya, “Mararamdaman mo po yun. Kapag pinahihirapan ka sa collection, ibig sabihin hindi nakarating. Kapag mabilis ang galaw, natanggap na po ng sponsor yung commission nila.”
May mga pagkakataon din umano na nagkikita sila ng politiko, at agad nilang nauunawaan ang sitwasyon nang hindi na kailangang magtanungan. “Hindi na po namin tinatanong na, natanggap mo na ba? Alam na po namin,” ani Discaya.
Patuloy ang imbestigasyon ng Senado sa malawakang alegasyon ng kickback operations sa flood control at iba pang infrastructure projects.
