Diskurso PH
Translate the website into your language:

Monterrazas de Cebu, kaliwa’t kanan ang environmental violations — DENR

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-14 11:55:15 Monterrazas de Cebu, kaliwa’t kanan ang environmental violations — DENR

NOBYEMBRE 14, 2025 — Binulgar ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang serye ng paglabag sa batas pangkalikasan ng Monterrazas de Cebu, isang malakihang real estate project sa Guadalupe, matapos matuklasan ang hindi awtorisadong pagputol ng daan-daang puno, kawalan ng discharge permits, at pagkasira ng mga pasilidad na dapat sana’y pumipigil sa pagbaha.

Sa isinagawang imbestigasyon ng DENR-Region 7, lumabas na 734 puno ang pinutol sa loob ng 140-ektaryang proyekto ngunit 11 lamang ang naitala sa opisyal na inventory. Ayon kay Assistant Regional Director for Technical Services Eddie Llamedo, malinaw na lumabag ang developer sa Forestry Code of the Philippines.

"They found out that out of 745, only 11 were accounted for, so meaning there was a violation of Section 77 of Presidential Decree 705, or the Forestry Code of the Philippines," ani Llamedo. 

(Nalaman nila na sa 745, 11 lang ang naitala, ibig sabihin may paglabag sa Section 77 ng Presidential Decree 705, o Forestry Code of the Philippines.)

Dagdag pa niya, may checklist na ibinigay ang DENR noong Nobyembre 2022 na malinaw na naglatag ng proseso sa tree-cutting at inventory, kaya’t hindi maaaring sabihing walang kaalaman ang developer.

Bukod sa usapin ng puno, lumabas din na 10 sa 33 kondisyon ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ang nilabag ng Monterrazas. Dahil dito, naglabas ng notice of violation at stoppage order ang Environmental Management Bureau (EMB). Ang bawat paglabag sa ECC ay may katumbas na multang ₱50,000 batay sa Presidential Decree 1586.

Isa sa pinakamabigat na isyu ay ang kawalan ng discharge permits na hinihingi ng Clean Water Act. Ang permit na ito ang nagbibigay ng legal na pahintulot sa paglalabas ng wastewater o effluents sa mga daluyan ng tubig, na may kasamang limitasyon sa dami at kalidad upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko at kapaligiran.

Samantala, kinumpirma rin ng mga inspector na may direktang kaugnayan ang proyekto sa pagbaha sa ilang komunidad. Natuklasan na 17 detention ponds sa lugar ay puno ng silt at hindi na nakapag-iimbak ng tubig nang maayos. Ang ilan ay nasira, dahilan upang ang runoff ay bumuhos pababa at umabot sa mga kalapit na barangay. 

Bagama’t ang mga pinakaapektadong lugar ay nasa layong 5.4 hanggang 11 kilometro mula sa site, iginiit ng DENR na hindi maikakaila ang kontribusyon ng proyekto sa pinsala.

Dahil sa mga natuklasan, ipinatawag ang developer sa isang technical conference sa pamamagitan ng show-cause order ng DENR. Posibleng kaharapin ng Monterrazas hindi lamang administrative penalties kundi pati na rin kasong kriminal dahil sa paglabag sa iba’t ibang batas pangkalikasan.

Subalit hindi lang Monterrazas ang binabantayan ngayon ng ahensya. Ayon sa DENR, kasalukuyan ding nire-review ang environmental compliance ng iba pang upland development projects sa rehiyon. Ito’y matapos ang pagbaha sa Cebu na kumitil ng 57 buhay at nagdulot ng malawakang pinsala.

Nagbabala si Llamedo sa mga developer at arkitekto na seryosohin ang epekto ng climate change sa kanilang mga disenyo.

"[They should] revisit their impact assessment plan, siltation ponds, detention ponds. We need to be updated based on the existing effects of climate change," aniya. 

([Dapat nilang] balikan ang impact assessment plan, siltation ponds, detention ponds. Kailangan nating i-update batay sa kasalukuyang epekto ng climate change.)

Kasabay nito, nagsasagawa ang joint technical team ng DENR ng survey sa mga komunidad na naapektuhan ng bagyong Tino upang matukoy ang lawak ng pinsala. Binabantayan din ng ahensya ang mga pahayag at komento sa social media na may kinalaman sa proyekto.



(Larawan: Monterrazas de Cebu | Facebook)