Palasyo kay Zaldy Co: ‘Umuwi ka, isumpa mo sa korte ang kuwento mo’
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-14 17:24:03
MANILA — Mariing itinanggi ng Malacañang ang mga paratang ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na idinadawit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ilang opisyal ng administrasyon sa umano’y P100 bilyong insertion sa Bicam, sa isang press briefing ngayong Miyerkules.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), “wild accusations” at “walang basihan sa katotohanan” ang mga pahayag ni Co. Giit ng Palasyo, ang Pangulo mismo ang nagbunyag ng anomalya sa flood control projects noong 2025 at nagsimula ng malalimang imbestigasyon, kabilang ang paglikha ng Independent Commission on Infrastructure (ICI).
Tinuligsa rin ng PCO ang paglalabas ni Co ng alegasyon habang nasa ibang bansa. Ayon sa kanila, kung seryoso ang dating kongresista, dapat siyang umuwi at sumpaan ang kanyang mga pahayag sa harap ng lehitimong awtoridad. “Umuwi muna siya sa Pilipinas at harapin ang mga kaso,” ayon sa PCO.
Sa parehong briefing, binigyang-linaw ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na walang batayan ang akusasyong may kinalaman ang Pangulo sa anumang insertion. Paliwanag niya, ang lahat ng appropriations na minumungkahi ng Pangulo ay nasa National Expenditure Program (NEP), na ayon sa Konstitusyon ay isinusumite sa Kongreso 30 araw matapos ang SONA. Pagkatapos nito, wala na umanong papel ang Executive sa Bicam.
“We reject any insinuations,” ani Pangandaman, habang iginiit na ang proseso ng budget deliberations at Bicam ay kapangyarihan ng lehislatura.
Samantala, sinabi ng PCO na si Co ang dapat magpaliwanag kung bakit naglabas siya ng mga pahayag na taliwas umano sa ebidensya. Ayon sa opisina, ang pagkakasangkot ng pangalan ni Co sa flood control corruption ay bunga ng testimonya, dokumento, at umano’y “pagpapayaman” na nakikita sa mga ari-ariang naipundar niya at ng kanyang pamilya.
“Dahil lumiliit ang mundo ni Zaldy Co, kailangan niyang magtahi ng maling kwento at mag-name drop kahit walang katibayan,” ayon sa PCO, na nagsabing mas lalo lamang nagdulot ng mga tanong ang pahayag ng dating kongresista.
Tugon ng Palasyo sa tanong kung galit ang Pangulo: seryoso umano ang administrasyon sa imbestigasyon ngunit hindi nababahala si Marcos Jr. dahil alam nito ang katotohanan at siya mismo ang nagpasimula ng pagsisiyasat.
Dagdag pa ng PCO, hindi maituturing na national security threat si Co, kaya’t hindi maaaring kanselahin ang kanyang pasaporte hangga’t walang warrant of arrest o kasong nakasampa.
Patuloy na naghihintay ang publiko sa susunod na hakbang ng ICI at ng DOJ, habang nananawagan ang Palasyo kay Co na umuwi at patunayan ang kanyang mga alegasyon—o harapin ang posibleng pananagutan.
