PNP 911 hotline, binaha ng higit 140k tawag; prank calls, umabot ng higit 22k
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-14 17:35:08
NOBYEMBRE 14, 2025 — Sa loob ng dalawang buwan, umabot sa mahigit 143,000 tawag ang tinanggap ng pambansang 911 hotline, ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP). Mula Setyembre 11 hanggang Nobyembre 9, 2025, lumabas na 28,423 sa mga ito ay tunay na insidente na agad na kinailangan ng aksyon ng pulisya.
Kasabay nito, binigyang-diin ng PNP ang isyu sa 22,541 prank calls na natanggap ng sistema. Babala ng mga awtoridad, ang ganitong uri ng mga tawag ay maaaring makasagabal sa mga kritikal na operasyon sa oras ng sakuna.
Bukod sa mga kasong kriminal, nakapagtala rin ang hotline ng 1,941 sunog at 8,058 medikal na insidente. Higit 82,500 tawag naman ang may kinalaman sa pampublikong kaligtasan, koordinasyon sa iba’t ibang ahensya, at mga hindi agarang pangangailangan.
Ayon sa datos, nakatulong ang sistema sa pagtugon sa mahigit 7,200 kaguluhan sa kaayusan at higit 7,300 krimen laban sa tao. Malaking bahagi pa rin ng mga tawag ang nauukol sa sunog at medical emergency.
Binanggit ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na bumilis ang pagtugon ng pulisya dahil sa pinagsamang operasyon ng hotline.
Aniya, “The unified 911 system is a big step forward in our mission to protect every Filipino. By streamlining our operations, we respond faster and more effectively, helping save lives and maintain peace in our communities.”
(Ang pinag-isang 911 system ay malaking hakbang sa aming misyon na protektahan ang bawat Pilipino. Sa pamamagitan ng mas maayos na operasyon, mas mabilis at epektibo kaming nakakatugon at nakakatulong na magligtas ng buhay at mapanatili ang kapayapaan sa ating mga komunidad.)
Dagdag pa niya, mas marami ang lehitimong tawag kaysa sa mga biro, patunay na dumarami ang umaasa sa pambansang hotline.
“This is what a modern, accessible, and accountable police force looks like,” ani Nartatez.
(Ganito ang anyo ng makabagong, bukas, at may pananagutang pulisya.)
Nanawagan ang PNP sa publiko na iwasan ang maling paggamit ng 911 at gamitin lamang ito para sa tunay na emergency.
(Larawan: Philippine News Agency)
