Shabu sa supot ng pandesal! Tauhan ng BuCor tiklo sa loob ng Bilibid
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-27 17:22:38
MANILA, Pilipinas — Nabisto ang isang tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) matapos mahuli sa tangkang pagpupuslit ng shabu na nakatago sa supot ng pandesal sa loob ng New Bilibid Prison (NBP), ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr.
Kinilala ang opisyal na si Correction Technical Officer 1 (CTO1) Melchora Wong, na nahuli sa Prison Gate 1 ng Maximum Security Compound ng NBP. Sa isinagawang inspeksyon, natagpuan ang dalawang sachet ng shabu na nakalagay sa loob ng pouch ng pandesal.
Dagdag pa ni Catapang, nakadiskubre rin ang mga awtoridad ng 33 pang sachet ng shabu sa dormitoryo ng isang inmate na si Reineill Dizon, na pinaniniwalaang kasabwat sa iligal na transaksyon.
“These are the challenges that we have to face. We are not only guarding persons deprived of liberty but we also have to be vigilant against our own people,” ani Catapang sa isang pahayag.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang kabuuang halaga ng nakumpiskang droga ay tinatayang ₱131,920. Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Muntinlupa City Police Station, Southern Police District Drug Enforcement Unit (SPD DEU), at ng Philippine National Police Directorate for Intelligence.
Samantala, mariing kinondena ng BuCor ang insidente at tiniyak na isasailalim sa masusing imbestigasyon ang tauhan. Nakatakdang sampahan ng kasong kriminal si Wong, habang patuloy na iniimbestigahan ang posibleng pagkakasangkot ng iba pang personnel sa pagpupuslit ng droga.
Ang insidente ay muling nagbigay-diin sa matagal nang problema ng drug smuggling sa loob ng Bilibid, na ilang beses nang naging sentro ng kontrobersya. Nanawagan si Catapang ng mas mahigpit na pagbabantay hindi lamang sa mga preso kundi pati na rin sa mga tauhan ng BuCor upang matigil ang ganitong gawain.
