Diskurso PH
Translate the website into your language:

CPD: Mga Pinoy ayaw magpakasal dahil sa gastos

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-03 08:41:10 CPD: Mga Pinoy ayaw magpakasal dahil sa gastos

MANILA — Ipinahayag ng Commission on Population and Development (CPD) na bumababa ang bilang ng mga Pilipinong magkasintahan na nagpapakasal, pangunahing dahil sa mga alalahanin sa pinansiyal at sa mataas na gastos ng kasal mismo.

Ayon kay Mylin Mirasol Quiray, hepe ng CPD Information Management and Communications Division, mas pinipili ng maraming kabataan at magkasintahan na unahin ang kanilang economic well-being bago magpakasal. 

Sa study po ng Commission on Population and Development, we found out that ‘yung Filipinos po talaga they prefer na ‘yung economic well-being muna nila ‘yung kanilang priority bago magpakasal,” ani Quiray.

Dagdag pa ng CPD, may mga magkasintahan na nagpapakasal bilang natural na hakbang sa kanilang relasyon, ngunit marami rin ang nakikitang praktikal na dahilan gaya ng pagbubuntis ng babae. Gayunpaman, lumalabas sa datos na mas pinipili ng karamihan na ipagpaliban ang kasal hangga’t hindi pa matatag ang kanilang pinansiyal na kalagayan.

Batay sa mga pag-aaral ng CPD, ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo ay isa sa mga pangunahing salik kung bakit nagiging mabigat ang pagpapakasal para sa maraming Pilipino. Ang mga gastusin sa seremonya, reception, at iba pang kaugnay na handaan ay nagiging hadlang para sa mga magkasintahan na nais magpakasal.

Bukod dito, nakikita rin ng CPD ang pag-usbong ng mga bagong pananaw sa relasyon. Mas maraming kabataan ang nakatuon muna sa kanilang karera, edukasyon, at personal na pag-unlad bago magdesisyon na magpakasal o bumuo ng pamilya. 

Ang trend na ito ay kaakibat ng mas malawak na paggamit ng modernong family planning methods at ang pagtaas ng bilang ng mga “double income, no kids” (DINK) couples sa bansa.

Sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga kasal, binigyang-diin ng CPD na mahalagang kilalanin ang pagbabago ng pananaw ng mga Pilipino hinggil sa relasyon at pamilya. Ang ahensya ay patuloy na nagsasagawa ng mga pag-aaral upang mas maunawaan ang epekto ng ekonomikong hamon sa mga desisyon ng mga magkasintahan.

Larawan mula Quezon City Government