Pinay, naharang sa NAIA dahil sa ‘mail-order bride scheme’ patungong China
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-10 00:52:41
MANILA, Philippines — Hindi pinayagan ng Bureau of Immigration (BI) na bumiyahe sa China ang isang 25-anyos na Filipina matapos mabuking na posibleng biktima siya ng mail-order bride scheme. Ang insidente ay naganap sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang nakatakdang sumakay ang biktima sa Air China flight patungong Beijing.
Ayon sa BI, dinala ang pasahero sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) para sa secondary inspection. Sa panayam, sinabi ng babae na bibisitahin niya ang kanyang Chinese husband na nakilala lamang bilang “Wang” sa tulong ng isang kaibigan noong 2024. Aniya, ikinasal sila noong Setyembre ng kasalukuyang taon sa isang restaurant, subalit hindi siya nakapagbigay ng malinaw na detalye tungkol sa kanilang wedding ceremony.
Napansin ng mga opisyal ng BI ang mga inconsistency sa kanyang pahayag at sa mga dokumentong ipinakita. May mga kahina-hinalang detalye rin sa marriage certificate na diumano’y galing sa Philippine Statistics Authority (PSA). Sa huli, inamin ng biktima na gumastos siya ng P60,000 para sa mga dokumento sa tulong ng kanyang tiyahin.
“This is a clear case of a mail-order bride scheme. These arrangements trap victims in exploitative situations abroad—many end up unpaid, abused, and unable to seek help. We urge the public not to fall for these fraudulent offers,” ani BI Commissioner Joel Anthony Viado. Pinayuhan ng BI ang publiko na maging maingat at huwag pabayaan ang kanilang sarili sa mga kahina-hinalang alok ng kasal sa ibang bansa, dahil kadalasan, nauuwi ito sa pang-aabuso, hindi pagbabayad, at kawalan ng legal na proteksyon para sa mga biktima. (Larawan: Bureau of Immigration Philippines / Facebook)
