Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: Mga pangalan ng bagyo sa Pilipinas sa 2026, inilabas na

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-11 00:18:14 Tingnan: Mga pangalan ng bagyo sa Pilipinas sa 2026, inilabas na

MANILA, Philippines Inilabas na ang opisyal na listahan ng mga pangalan ng bagyo na papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) para sa taong 2026. Magsisimula ito sa Ada at magtatapos sa Zeny, alinsunod sa patakaran na inuulit ang listahan kada apat na taon, maliban na lamang kung may mga pangalang niretiro dahil sa matinding pinsalang idinulot ng mga nagdaang bagyo.

Kabilang sa mga bagong pangalan sa listahan ngayong 2026 ang Ada, Francisco, Kiyapo, at Pilandok, na pumalit sa mga pangalang inalis na sa sirkulasyon bilang paggalang at pag-iingat sa naging epekto ng mga ito sa mga komunidad.

Ang mga sumusunod na pangalan ay opisyal na niretiro dahil sa matinding pinsala:

• Ang Agaton ay pinalitan ng Ada matapos ang malawakang pagbaha sa Eastern Visayas noong Abril 2022.
• Ang Florita ay pinalitan ng Francisco matapos tumama sa Isabela at magdulot ng malawakang pagbaha sa pinalakas na habagat.
• Ang Karding ay pinalitan ng Kiyapo matapos itong tumama bilang super typhoon sa Polillo Islands at Central Luzon noong 2022.
• Ang Paeng ay pinalitan ng Pilandok matapos magdulot ng matinding pagbaha sa Visayas, Bicol Region, Metro Manila, Central Luzon, at CALABARZON.

Ayon sa PAGASA, mahalaga ang kaalaman sa mga pangalan ng bagyo upang mas mapadali ang pag-uulat, babala, at paghahanda ng publiko tuwing panahon ng kalamidad. Patuloy na pinapaalalahanan ang publiko na maging alerto, handa ang mga emergency kit, at manatiling updated sa mga opisyal na abiso lalo na tuwing tag-ulan at panahon ng bagyo. (Larawan: Hazard Watch Ph / Facebook)