LTFRB Region V, nakiisa sa ‘18-day Campaign to End Violence Against Women’ (VAW)
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-18 23:33:26
DISYEMBRE 18, 2025 — Pormal nang tinapos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Regional Office V ang kanilang pakikilahok sa 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW) noong Disyembre 12, 2025, bilang pakikiisa sa pambansang adbokasiya ng pamahalaan na isinusulong sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasama sina DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez at LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II.
Sa pamumuno ni Regional Director Joel R. Defeo, binigyang-diin ng LTFRB Region V na ang kampanya ay hindi lamang isang taunang aktibidad kundi isang patuloy na panawagan para sa mas mataas na kamalayan, kolektibong pananagutan, at gender sensitivity, lalo na sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Ang isinagawang closing program ay nagsilbing pagwawakas ng serye ng mga aktibidad na layong itaguyod ang kaligtasan at dignidad ng kababaihan. Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ang pamamahagi ng certificates of recognition sa mga transport entities na aktibong lumahok sa Safe Ride Campaign. Kinilala ang kanilang pagsusumikap sa pagsusulong ng ligtas, magalang, at women-friendly na serbisyong pampubliko, lalo na para sa mga babaeng pasahero.
Ayon sa LTFRB Region V, mahalagang papel ang ginagampanan ng transport sector sa paglikha ng isang lipunang may respeto at malasakit, kung saan ang kababaihan ay malayang makakabiyahe nang walang takot sa pang-aabuso o diskriminasyon. Dagdag pa ng ahensya, ang ganitong mga inisyatibo ay mahalaga upang matiyak na ang pampublikong transportasyon ay ligtas at inklusibo para sa lahat.
Sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon ng mga kawani at transport stakeholders, muling pinagtibay ng LTFRB Region V ang kanilang matatag na paninindigan na itaguyod ang isang VAW-free transport environment. Sa mensaheng pagkakaisa, binigyang-diin ng ahensya: “Sama-sama, tayo ay UNITED para sa isang Pilipinas na walang karahasan laban sa kababaihan.” (Larawan:LTFRB / Facebook)
