1 biktima ng road rage sa Antipolo, pumanaw na; kaso, itinaas sa murder

Abril 1, 2025 – Nauwi sa trahedya ang insidente ng road rage sa Antipolo City matapos bawian ng buhay ang isa sa mga biktima na kinilalang si Peter, isang 52-anyos na negosyante. Tinamaan sa ulo si Peter ng bala noong Linggo sa Marcos Highway, Barangay San Jose, at dinala agad sa Cabading Hospital, ngunit hindi na siya naisalba.
Kinumpirma ni Antipolo City Police Chief Lt. Col. Ryan Manongdo ang pagkamatay ni Peter at inihayag na iaakyat na sa kasong murder ang reklamo laban sa suspek na si Kenneth.
“Tinanggap na po ng Prosecutor’s Office yung sinampa nating complaint against po sa suspect natin. Kung saan ang isinampa natin sa kanya ay three counts of frustrated murder and yung violation po ng gun ban,” ani Manongdo sa isang Facebook live video.
“Tapos patay na po yung isang biktima…Yung naisampa natin nitong hapon na three counts of frustrated murders, bale i-amend natin siya kasi patay na po yung nakita nating nakahandusay, yung nabaril sa ulo,” dagdag pa niya.
Naganap ang insidente noong hapon ng Linggo matapos mauwi sa mainitang pagtatalo ng mga motorista ang sitwasyon, na kalaunan ay nauwi sa pamamaril. Si Kenneth, 28-anyos na negosyante, ang namaril at nakasugat sa apat na katao kabilang ang kanyang sariling asawa. Nasugatan sina Patrick at Davis, na tinamaan sa braso at dibdib.
Matapos ang pamamaril, tinangkang tumakas ni Kenneth gamit ang kanyang itim na Toyota Fortuner ngunit naharang sa isang checkpoint sa Masinag, Barangay Mayamot sa isinagawang hot pursuit operation. Hawak na siya ngayon ng pulisya at inihahanda na ang pag-a-upgrade ng mga kaso laban sa kanya.
Binibigyang-diin ng Philippine National Police (PNP) ang bigat ng kaso, lalo’t umiiral pa ang nationwide election gun ban. Ayon kay Rizal Provincial Police Office Director Police Col. Felipe Maraggun, “The suspect did not have a Certificate of Authority from the Commission on Elections to carry a firearm. This is a clear violation of the election gun ban, and we are investigating the full extent of his actions."
Nanawagan si Manongdo sa mga motorista na panatilihin ang kalmadong pag-iisip upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari.
“Sana matuto na tayo sa mistake nila…Alam niyo ego lang ‘yan…You really need to evaluate kung alin ba ang mas mahalaga,” ani Manongdo.