Diskurso PH
Translate the website into your language:

MPL: Aurora, Nanatiling Dominante Matapos ang Reverse Sweep sa AP.Bren

Ipinost noong 2025-03-08 15:34:16 MPL: Aurora, Nanatiling Dominante Matapos ang Reverse Sweep sa AP.Bren

NUEVA ECIJA, Marso 8, 2025 – Patuloy ang dominasyon ng Aurora sa MPL Philippines Season 15 matapos ang isang matinding reverse sweep kontra AP.Bren. Sa likod ng isang 2-1 panalo, nanatiling malinis ang kanilang rekord sa 3-0. Sa harap ng masugid na fans sa Green Sun Hotel, Makati noong Biyernes, muling pinatunayan ng Aurora kung bakit sila ang koponang dapat abangan ngayong season.

Hindi naging madali ang simula para sa Aurora matapos silang gapiin ng AP.Bren sa Game 1. Sa likod ng matalas na rotation at objective control, dinomina ng AP.Bren ang laro. Pinangunahan ni James "JamesPangks" Mendoza gamit ang Suyou, dikta nila ang tempo, pinutol ang rotation ng Aurora, at pinigilan ang kanilang signature late-game scaling.

Ngunit sa Game 2, nagising ang Aurora at bumawi nang todo. Bumida si Renejay "Renejay" Barcase gamit ang kanyang Hylos, nagtala ng 17 assists, 1 kill, at walang death. Sa pamamagitan ng solidong positioning at crowd control, naging matibay siyang harang laban sa agresibong AP.Bren. Ang kanyang performance ang nagbigay-daan upang maitabla nila ang serye.

Sa deciding Game 3, nagpakitang-gilas si Dominic "Domengkite" Delmundo gamit ang Granger. Umiskor siya ng 13 kills at nagpakawala ng isang kamangha-manghang Maniac na tuluyang nagpabagsak sa depensa ng AP.Bren. Sa kanyang 13/1/4 KDA, hindi na nagawang sagutin ng AP.Bren ang kanyang on-point snipes at positioning, dahilan upang makuha ng Aurora ang panalo at mapanatili ang kanilang malinis na rekord.

Matapos ang laban, nagbigay ng pahayag si Aurora head coach Aniel "Master the Basics" Jiandani. “Nakakasabay din talaga sila eh. Tingin ko kulang lang talaga, nag-aadjust pa sila sa MPL, pero nandun yung potential ng team. Maganda rin ang pinakita nila, gumagawa sila ng paraan kahit na lamang kami. Lalo na nung Game 1, nakakahanap pa rin sila ng sagot.”

Sa panig ng AP.Bren, mataas pa rin ang kumpiyansa ng koponan. Ayon kay Der, “Hindi naman po namin iniisip na 0-2 kami. Hanggat hindi pa nag-a-announce ang MPL na laglag kami, hindi kami susuko sa goal namin.”

Sa panalong ito, nananatili ang Aurora sa tuktok ng standings bilang isa sa mga koponang hindi pa natatalo ngayong season. Susunod nilang makakaharap ang Smart Omega, habang kailangang bumawi ng AP.Bren laban sa Team Liquid Philippines upang hindi mahulog sa lower half ng standings.

Larawan: MPL Philippines