MPL: Super Marco, Pinangunahan ang Reverse Sweep ng Team Falcons Kontra ONIC Philippines
Ipinost noong 2025-03-08 15:34:14
NUEVA ECIJA, Marso 8, 2025 – Sa isang kapana-panabik na serye sa MPL Philippines Season 15, ipinamalas ni Marco "Super Marco" Requitano ang kanyang husay matapos magtala ng savage para pangunahan ang Team Falcons sa isang 2-1 reverse sweep laban sa ONIC Philippines. Sa harap ng mga tagahanga sa Green Sun Hotel, Makati noong Biyernes, pinatunayan ng Falcons na hindi lang diskarte kundi matibay na execution ang susi sa tagumpay.
Hindi naging madali ang laban para sa Falcons, lalo na matapos ang Game 1, kung saan ipinakita ng ONIC ang kanilang world-class caliber. Pinangunahan ni King "K1NGKONG" Perez gamit ang kanyang signature Fanny, mabilis nilang nadomina ang laro at pinilit ang Falcons na mag-adjust sa susunod na rounds.
“Sobrang saya, kasi natalo din namin yung ONIC kanina. Expected namin na sobrang papahirapan nila kami,” ani Falcons head coach Robert "Trebor" Sanchez.
Sa Game 2, nagpakitang-gilas si Super Marco gamit ang kanyang Granger, nagtala ng 12/0/4 KDA, at nagbigay ng bagong sigla sa Falcons. Ang kanyang precise positioning at aggressive gameplay ang nagbigay ng kontrol sa laro, dahilan upang maitabla nila ang serye. Dahil sa kanyang standout performance, ginawaran siya ng back-to-back MVP honors, patunay ng kanyang pagiging isa sa pinakamahalagang manlalaro ng Falcons.
Pagsapit ng Game 3, lumabas ang maingat na game plan ng Falcons. Sa unang pagkakataon ngayong season, ginamit nila si Vale, na naging epektibong sagot sa rotation at diversion plays ng ONIC. Sa isang crucial team fight, nagawang i-zone out at i-eliminate ng Falcons ang apat na key players ng ONIC, na nagbigay sa kanila ng pagkakataong tapusin ang laro sa loob ng 14 minutes and 31 seconds.
Bukod kay Super Marco, nagpakitang-gilas din si Miguel "Super Frince" Ramirez, na may mahalagang kontribusyon sa midlane, habang si Duane "Kelra" Pillas ay naging matibay sa late-game team fights. Sa kabila ng pagkatalo, ipinakita pa rin ng ONIC ang kanilang kalidad bilang isang elite team, lalo na si KingKong, na nagbigay ng matinding pressure sa Falcons sa buong serye.
Sa panalong ito, umangat ang record ng Falcons sa 2-1, habang kailangang bumangon ng ONIC matapos ang kanilang tough loss. Susunod, makakaharap ng Falcons ang Twisted Minds, habang sasabak naman ang ONIC laban sa Team Liquid Philippines.
Larawan: MPL Philippines
