Diskurso PH
Translate the website into your language:

NBA: Celtics, buong tapang na hinarap ang pagsubok sa playoffs

Ace Alfred AceroIpinost noong 2025-04-18 19:26:03 NBA: Celtics, buong tapang na hinarap ang pagsubok sa playoffs

April 18 - Tiniis ni Jrue Holiday ang anim na linggong pananahimik ng kanyang pinky finger dahil sa mallet injury — isang kondisyon kung saan baluktot ang dulo ng daliri at hindi ito maigalaw. Pero nitong linggo, nagbabalik na siya sa ensayo suot ang mas maluwag na brace.

“Iba ang pakiramdam. Pero mukhang ayos naman,” ayon kay Holiday.

Ganito rin ang kabuuang damdamin ng Boston Celtics — nasaktan, pero hindi natumba. Bilang defending champions, haharap sila sa mas matarik na daan pabalik sa Finals, kasabay ng layuning maging unang back-to-back NBA champions simula noong 2018 Golden State Warriors.

Hindi man tawaging "title defense" ni Jayson Tatum ang kanilang kampanya, muling nagtala ang Celtics ng 60 panalo ngayong regular season. Konsistent ang bilang ni Tatum sa puntos, rebounds, at assists — halos katulad ng kanyang performance noong nakaraang championship run.

May mga balakid: mas malakas ngayon ang Cavaliers, at may iniindang bone bruise si Jaylen Brown sa kanang tuhod. Pero nag-ensayo na siya buong linggo at inaasahang makakalaro sa unang round kontra Orlando sa Linggo.

“Ito ’yung mindset namin — kahit ano gagawin para manalo,” ani Holiday. “Lagi may handang pumalit. Ganun kami sa nakalipas na dalawang taon.”

Kahit 28-13 lamang ang home record ng Celtics sa TD Garden, bumawi naman sila sa road games sa 33-8 — bagong prangkisang record at isang panalo na lang sa all-time NBA record ng 2015-16 Warriors (34).

Nanatili rin sila sa top 5 sa defensive rating, at pumangalawa sa offensive rating sa likod ng Cavaliers. Muling lumutang si Payton Pritchard bilang posibleng Sixth Man of the Year matapos magtala ng 14.3 points kada laro at 255 three-pointers — pangalawa sa kasaysayan ng Celtics sa likod ni Derrick White (265).

Ayon sa datos, apat sa limang huling kampeon ang hindi nakaabot sa conference finals sa sumunod na taon. Isa pa nga ay nalaglag agad sa first round.

Batid ito ni Holiday. Matapos siyang magkampeon sa Milwaukee noong 2021, talsik din agad sila sa second round kontra Boston sa sumunod na taon.

“Hindi mo kontrolado lahat — minsan swerte, minsan injuries. Pero dapat lang na sa sarili nakatutok. Kaya excited ako kung makakaya naming gawin ang hindi nagawa ng dati kong team.”