Diskurso PH

Martinez kumana ng siyam na tres sa Vietnam, Wings bigong manalo


Ace Alfred Acero • Ipinost noong 2025-05-22 17:25:48
Martinez kumana ng siyam na tres sa Vietnam, Wings bigong manalo

May 22 - Nagpakawala ng siyam na three-point shots si James Martinez upang makapagtala ng bagong record sa Vietnam Basketball Association Star X tournament, ngunit hindi ito sapat para maiangat ang Ho Chi Minh City Wings kontra Can Tho Catfish, 105-123.

Si Martinez, na dating naglaro sa PBA para sa Powerade Tigers at sa iba’t ibang koponan sa MPBL, ay nagtapos na may 34 puntos—kasama na ang record-breaking na siyam na tres, ang pinakamarami sa kasaysayan ng VBA Star X sa isang laro.

Maaga pa lang sa unang quarter ay umarangkada na si Martinez, tinamaan ang unang tres sa 8:49 mark na nagbigay ng 6-4 na kalamangan sa Wings. Ngunit mabilis nakabawi ang Catfish sa pamamagitan ng 7-2 run para makuha ang 15-8 abante. Dito na nagsimulang lumamang nang tuluyan ang Catfish, 30-21, matapos ang unang yugto.

Sa kabila ng mainit na shooting ni Martinez, hindi nakasabay ang ibang manlalaro ng Wings. Bagamat nagtala siya ng sunod-sunod na tres, long jumper, at tatlong free throws sa second quarter, hindi nito napigil ang rumaragasang opensa ng Catfish na may 65-51 kalamangan sa halftime.

Walang naipuntos ang Wings sa unang dalawang minuto at kalahati ng third quarter, at sa kabila ng panibagong tres ni Martinez, mas lalo pang lumayo ang Catfish, 74-54. Sinubukan niyang muling buhayin ang Wings sa fourth quarter, naitala ang walo sa unang 15 puntos ng koponan para makalapit sa 86-94. Ngunit nang ma-cramps si Tran Dang Khoa, tanging katuwang ni Martinez sa backcourt, tuluyang naubusan ng lakas ang Wings.

Sa kabila ng talo, nagsilbing paalala ang performance ni Martinez na kaya pa niyang magpakitang-gilas sa international stage.