Diskurso PH

Gob. Sol Aragones, personal na nanumpa sa isa sa pinakamaliit na barangay ng Famy, Laguna


Ace Alfred Acero • Ipinost noong 2025-06-05 20:01:44
Gob. Sol Aragones, personal na nanumpa sa isa sa pinakamaliit na barangay ng Famy, Laguna

Ulat Mula kay Jurie Mondigo Jr.

 

June 5 - Sa halip na sa kapitolyo, piniling manumpa sa isa sa pinakamaliit na barangay sa Famy, Laguna si bagong halal na Gobernador Marisol "Sol" Aragones nitong Hunyo 5, 2025. Isinagawa ang panunumpa sa harap ni Barangay Captain Anselmo Coronoda, sa isang simpleng seremonya na naging personal at makahulugan para sa bagong opisyal.

Ayon kay Gob. Sol, “Ninais ko po na dito manumpa para makita kung paano maaari pa na tulungan ang maliliit na bayan para sa kalusugan, agrikultura at turismo.” Binibigyang-diin nito ang kanyang adbokasiya na bigyang pansin ang mga pinakamalalayong komunidad sa Laguna.

Dumalo sa panunumpa sina Congressman Benjie Agarao, Board Member Jam Agarao ng Sta. Cruz, Mayor Lorenzo Rellosa ng Famy, at Vice Mayor Freddie Valois. Matapos ang panunumpa, isang simpleng salu-salo ang inihanda ng mga taga-Famy para sa gobernador at kanyang mga panauhin.

Samantala, gaganapin sa mga susunod na araw ang pangkalahatang panunumpa sa Kapitolyo ng Laguna.

Si Gob. Sol Aragones ay isang dating mamamahayag at dating kinatawan ng ikatlong distrito ng Laguna mula 2013 hanggang 2022. Siya rin ang nagtatag ng programang “Akay ni Sol”, na tumutulong sa mga may kapansanan sa lalawigan.