Provincial Executive Senior Police Bumisita sa Mabitac PNP, Pinuri ang Kapulisan ng Ciudad.

Mabitac, Laguna – Hunyo 17, 2025 – Isang mahalagang pagbisita ang isinagawa ngayong araw ni Edwin De Mesa, ang Provincial Executive Senior Police Officer (PESPO) mula sa Laguna Police Provincial Office (PPO), sa Mabitac Municipal Police Station (MPS). Layunin ng kanyang "field visitation" na suriin ang operasyon at kumustahin ang kapakanan ng mga pulis sa lugar.
Sa kanyang pagbisita, aktibong tinalakay ni PESPO De Mesa ang iba't ibang mahahalagang usapin na may direktang epekto sa performance ng kapulisan. Kabilang dito ang lingguhang pagpapatupad ng programang "My Brother's Keeper (MBK)," ang pangkalahatang kalagayan ng "morale at wellness" ng mga miyembro ng PNP Mabitac, at ang pagpapaalala sa bawat pulis ng kanilang tungkulin at responsibilidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang hurisdiksyon.
Isang highlight ng pagbisita ang pakikipag-ugnayan ni PESPO De Mesa kay Pastor Jurie Mondigo, ang Chairman ng Mabitac Pastors, upang kumustahin ang pagpapatupad ng MBK Program sa MPS Mabitac. Lubos na pinuri ni De Mesa ang patuloy na pagbabahagi ng "Salita ng Diyos" sa hanay ng mga pulis sa pamamagitan ng lingguhang pag-aaral at pananalangin, na mahalagang bahagi ng MBK. Ang My Brother's Keeper ay isang espiritwal na programa ng Philippine National Police (PNP) na nakikipagtulungan sa mga Pastor upang mapabuti ang espiritwal at moral na kalagayan ng mga alagad ng batas.
Nagtapos ang pagbisita sa isang maayos at positibong paraan, na nagtapos sa masiglang paalamanan at tradisyonal na picture taking, hudyat ng matagumpay na aktibidad. Nagpapakita ito ng patuloy na suporta at pagpapahalaga ng pamunuan ng pulisya sa kapakanan ng kanilang mga tauhan.
Ulat ni Jurie Mondigo Jr.