Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pagtindi ng mga Scammer Ngayon, Dapat Mas Maging Matalino Tayo

Jaybee Co-AngIpinost noong 2025-03-31 13:33:56 Pagtindi ng mga Scammer Ngayon, Dapat Mas Maging Matalino Tayo

Nagsimula lan ito sa nanalo ako ng isang brand-new na item sa raffle. Sealed pa, hindi pa nabubuksan. Dahil hindi ko naman kailangan, naisip kong i-benta na lang online. Simple lang ang proseso, mag-post, may magme-message, magkaayos sa presyo, at tapos na. Pero hindi ko inasahan na ang simpleng bentahan ay mauuwi sa isang sitwasyong muntik na akong ma-scam.

Sa una, maayos ang lahat. Yung buyer, mabait naman, mabilis mag-reply, at parang seryoso talagang bilhin ang item. Ang bait pa nga makipag-usap. Nag-suggest siya na ipa-pick up na lang ang item gamit ang courier. Pumayag ako, dahil mas madali 'yon kaysa mag-meet up pa. Pero habang papalapit ang transaction, unti-unti na akong nakaramdam ng duda.

Sabi ng buyer, bayad na raw siya. Pero kahit anong hingi ko ng proof of payment, wala siyang maipakita. Wala ring resibo, screenshot, o kahit anong patunay na nagpadala talaga siya ng pera. Ang mas nakakagulat, bigla na lang dumating ang courier para kunin ang item. Sinabihan ko ang rider na hindi ko muna ibibigay yung item kasi hindi ko pa nakikita yung bayad. Nag-message ako ulit sa buyer, pero hindi na siya nag-reply.

Ang sunod na nangyari, mas nakakainis. Tinawagan ng buyer ang courier at pinilit siyang kunin yung item, habang sinasabing bayad na raw siya. Kaya pinasa ng rider sa akin ang phone niya, at doon ko nakausap ang buyer, na sinisigawan pa ako, at sinasabi na ako raw ang scammer!

Naramdaman ko talaga ang pressure. Pero napanatili ko ang composure ko. Tinanong ko siya kung magkano raw ang na-send niya. Ang sabi niya, ₱5,000, kahit na ang napagkasunduan namin ay ₱12,000. Doon ko lalong napatunayang scam ito. Sobrang layo ng amount na yun sa usapan namin. Hindi na ako nagdalawang-isip. Sabi ko sa courier na hindi ko ibibigay ang item. At buti na lang, naintindihan naman niya ako. Umalis siya nang hindi na pinilit ang delivery.

Sa totoo lang, nakahinga ako nang maluwag. Pero pagkatapos ng lahat, na-realize ko na hindi lang ako ang muntik nang mabiktima, pati yung courier ay naipit din sa sitwasyon. Wala naman siyang alam sa pinagdadaanan ng transaction. Sumusunod lang siya sa instruction ng customer. Sayang ang oras niya, ang effort, at lalo na ang gas na ginamit para sa delivery na hindi pala totoo. Isa rin siyang biktima.

Ang mga ganitong pangyayari ay hindi isolated case. Sa panahon ngayon, napakadali na para sa mga scammer na gumawa ng paraan para makapanloko ng iba. Hindi na sila basta-basta lang, matatalino na sila, marunong manlinlang, at sanay mang-pressure.

Kaya mahalagang ipaalala na may mga batas na tumutugon sa ganitong klaseng panlilinlang. Ayon sa Article 315 ng Revised Penal Code, ang estafa o panlilinlang ay isang krimen. Saklaw nito ang pagpapanggap na nagbayad para makuha ang isang bagay nang hindi tama. Sa mga kaso naman ng online scams, kung saan ginagamit ang fake receipts, digital payments, o identity theft, pumapasok ang Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012. May parusa ang mga gumagawa ng fraud gamit ang electronic means. At para naman sa mga scam gamit ang cellphone o text, nariyan ang Republic Act No. 11934, o SIM Registration Act, na layuning pigilan ang anonymous na scammers sa pamamagitan ng pag-rehistro ng SIM cards gamit ang tunay na identity.

Pero kahit may batas, kulang pa rin kung hindi tayo kikilos. Ang unang hakbang sa pagprotekta sa sarili ay ang pagtatabi ng ebidensya. Kung sakaling mabiktima ng scam, i-save agad ang lahat ng screenshots ng usapan, transaction details, pangalan at numero ng buyer, at kahit anong proof ng delivery.

Pangalawa, dapat agad mag-report sa mga ahensya gaya ng PNP Anti-Cybercrime Group o NBI Cybercrime Division. Huwag matakot magsampa ng report. Hindi ito abala, ito ay karapatan. Kasabay nito, i-report rin ang scammer sa platform kung saan naganap ang bentahan, tulad ng Facebook Marketplace o Carousell. Kapag na-ban ang account ng scammer, mababawasan ang posibilidad na may ibang mabiktima.

Kung pera naman ang nakuha sayo, agad makipag-ugnayan sa iyong e-wallet o bangko. Minsan, kung maagapan, pwede pang ma-freeze o ma-reverse ang pera.

Hindi lang ang mga seller ang dapat maging alerto. Pati ang mga courier ay kailangang may sapat na kaalaman kung paano i-handle ang kahina-hinalang transactions. Dapat may malinaw na protocol ang mga delivery companies kapag may customer na ayaw ibigay ang item dahil hindi pa bayad. Sa ganitong pagkakataon, hindi dapat ipilit ng courier ang pickup. Mainam din kung may record sila ng sender at receiver, para may reference kung magkaroon ng reklamo.

Kung nalaman nilang may scam na nangyari, huwag mag-atubiling magsumbong sa kumpanya o sa pulis. Ang pagiging neutral sa delivery ay hindi nangangahulugan na dapat silang manahimik kung may mali. Ang pakikiisa nila ay malaking tulong sa pagresolba ng mga ganitong kaso.

Ang buong karanasang ito ay isang paalala na kahit gaano pa tayo kaingat, minsan nagtitiwala rin tayo. Pero sa panahon ngayon, ang tiwala ay dapat laging may kasamang matinding pag-iingat. Hindi porket maayos kausap ang buyer, ay totoo na ang lahat. Minsan, sa sobrang galing nila magsalita, ikaw pa ang mapapaisip kung tama ba ang hinala mo, kahit tama ka na pala.

Kaya dapat, matuto tayong magtanong, magduda, at magsalita. Huwag natin hayaan na maulit pa sa iba ang ganitong panloloko. Kung may na-experience kang scam, ireport mo. Hindi ito kahihiyan, ito ay kaalaman para sa iba.

Hindi lahat ng tao ay masuwerte gaya ko na nakaiwas. Pero kung tayo ay magtutulungan, magpapalaganap ng impormasyon, at lalaban sa katahimikan, mas mababawasan ang mga nabibiktima. At sa bandang huli, mas magiging maayos rin ang sistema.

Labanan natin ang mga scammer — gamitin ang katotohanan, kaalaman, at pagkakaisa.


Larawan mula sa Canva