Diskurso PH
Translate the website into your language:

"Healing My Inner Child" Sa Bawat Hakbang ng Pagiging Magulang

Jaybee Co-AngIpinost noong 2025-03-31 13:33:49 "Healing My Inner Child" Sa Bawat Hakbang ng Pagiging Magulang

Ang pagiging magulang ay isang pagbabago na hindi mo talaga kayang paghandaan. Noong unang beses kong mahawakan ang anak ko, may naramdaman akong pagbabagong hindi ko maipaliwanag. Isang klase ng pagmamahal na matindi, tapat, at hindi matitinag. Kasama ng pagmamahal na ’yon, ang panagko ko na ibibigay ko sa kanya ang lahat ng hindi ko naranasan.

Hindi ito tungkol sa mga materyal na bagay, aminado ako na gusto ko rin namang bigyan siya ng maginhawang buhay. Pero hindi sa paraang bibilhan ko siya ng mga laruan, gadgets, o branded na damit. Mas gusto ko maranasan niya na magkaroon ng maayos na edukasyon. Bagaman nakapagtapos naman ako sa isa sa mga prestihiyosong unibersidad sa bansa, hindi ito naging sapata para magkaroon ako ng maraming oportunidad. Kalayaang mangarap. Karapatang pumili ng sariling landas. At tiwalang sapat na siya kung sino man siya.

Lahat ng 'yan ay hindi ko naranasan dahil sa wala akong "choice".

Lumaki ako sa hirap. Kapos sa pera, at limitado ang mga oportunidad. Naalala ko pa noon, naglalakad ako papuntang eskwela habang ang mga magulang ko, pilit pinagkakasya ang bawat piso para may pagkain kami. Ayon sa Philippine Statistics Authority, nasa 31.4% ng mga batang Pilipino ang lumalaki sa ilalim ng poverty line—at isa ako sa kanila. Pero kahit kapos kami, binigay pa rin ng magulang ko ang kaya nilang ibigay sa akin tulad ng pagmamahal, suporta, paniniwala.

Naniniwala sila sa kakayahan ko. Gusto nila akong magtagumpay. Pero sa totoo lang, hindi sapat ang pagmamahal kapag kulang ka sa resources. Ramdam ko ’yon habang lumalaki ako—hindi dahil kulang sa pagmamahal, kundi dahil limitado ang puwedeng marating ng isang batang walang sapat na suporta.

Kaya ngayon na may anak na ako, kapit na kapit ako sa paniniwalang puwede kong baguhin ang takbo ng buhay namin. Na puwede akong magsimula ng bagong pundasyon—hindi lang para sa kanya, kundi para sa magiging mga apo niya at mga susunod pa.

Mali ba ang gustuhin na ibigay sa anak mo ang mga bagay na hindi mo nakuha?

May mga nagsasabing baka ito ay selfish o masyadong idealistic—na baka ipinapasa lang natin ang mga unmet needs natin sa anak natin. Pero para sa akin, ito ang totoong anyo ng pagmamahal. Ayon sa Harvard Center on the Developing Child, ang mga magulang na marunong mag-reflect sa sarili nilang pagkabata at pinipiling baguhin ang parenting approach ay maaaring  mapalaki ang mga bata na emotionally healthy. Ibig sabihin, ang kagustuhang “mas mabuti para sa anak” ay hindi pagiging selfish—ito ay pagiging intentional.

Alam ko rin na hindi sapat ang pagpapa-enroll sa magandang school o pagbili ng educational toys. Ang tunay na “better” ay ’yung pagiging present. ’Yung kahit pagod ka na, tinutulungan mo pa rin siya sa homework. ’Yung pinapakinggan mo ’yung mga kwento niya. ’Yung ginagabayan mo siya sa mga pagkakamali. Ang parenting ay hindi lang tungkol sa pera—ito ay tungkol sa oras. Ayon sa UNICEF Philippines, mas malaki ang epekto ng parental involvement sa academic performance ng bata kaysa sa antas ng kita sa bahay. Ibig sabihin, ang presensya mo bilang magulang ay priceless.

Pero iyon din ang hamon para sa mga kagaya kong nagsisimula pa lang tumayo sa sariling paa. Paano mo ibibigay ang best para sa anak mo kung ikaw mismo ay naghahanap pa rin ng stability? Paano mo babalansehin ang trabaho, bills, at personal healing habang pinapalaki ang isang taong gusto mong maging buo?

Sa totoo lang, madalas wala tayong sagot. Ginagawa natin ang kaya natin. Natututo tayo habang tumatakbo ang oras. Nagkakamali tayo, umiiyak, napapagod—pero bumabangon at sumusubok muli. Kasi ang pagmamahal, kahit hindi perpekto, ay matiyaga mong ibinibigay.

Ang pinakagusto ko talaga—ay maramdaman ng anak ko na nandito lang ako.

Hindi lang dahil gusto kong maging ganito siya, kundi dahil ito talaga siya. Ayokong pasanin niya ang mga pangarap na hindi ko natupad. Gusto kong maramdaman niyang malaya siyang mangarap para sa sarili niya. Gusto ko siyang gabayan, hindi kontrolin. Protektahan, pero hindi ikulong.

Pero aminado ako—hindi madali magbalanse. Minsan, sa sobrang gusto mong ibigay ang lahat, nakakalimutan mong ipaliawanag ano ang mga limitasyon. Ayon sa isang 2022 study mula sa Harvard, ang overparenting—kahit puno ng good intentions—ay puwedeng makaapekto sa pagiging independent at resilient ng mga bata. Ayokong maging dahilan ng pagiging entitled o emotional distant ng anak ko. Gusto ko, ang pagbibigay ko ay may laman—may values.

Values na gusto kong makuha niya: gratitude, resilience, empathy. ’Yung paniniwala na ang edukasyon ay hindi lang tungkol sa mataas na grades, kundi sa pagiging curious at pagtatanong kung ano ang tama at mali. ’Yung success ay hindi lang nasusukat sa yaman, kundi sa kabutihan, purpose, at malasakit sa kapwa.

Gusto kong lumaki siya na alam na okay lang humingi ng tulong. Na hindi kahinaan ang umiyak. Na ang pagkatalo ay hindi katapusan kundi bahagi ng buhay. Mga aral ito na natutunan ko pero kung kaya kong bawasan ang sakit na dadaanan niya, kahit konti, gagawin ko.

At para sa mga magulang na nakakarelate—ramdam ko kayo.

Bitbit natin ang pag-asa at kirot. Nananaginip tayo ng buhay para sa anak natin na tayo mismo’y hindi naranasan. Minsan, nakakapanlumo. Minsan, nagdududa tayo kung sapat ba ang ginagawa natin, o baka inuulit lang natin ang parehong pagkakamali—ibang anyo nga lang.

Pero ito ang tandaan niyo, ang mga ginagawa natin ay may epekto sa kanila. Ayon sa American Psychological Association, ang araw-araw na positive interactions—tulad ng bedtime story, shared meal, o simpleng “I’m proud of you”—ay may malakas na epekto sa emotional development at future success ng mga bata. Hindi kailangan ng grand gestures. ’Yung maliliit na bagay—’yun ang bumubuo sa pagkatao nila.

At kung lumaki kang kulang sa mga bagay na ’yan, okay lang malungkot. Pero huwag kang manatili sa lungkot. Gamitin mo iyon para umusad. Gawin mo iyong lakas. Gawin mong pagmamahal.

Kasi sa huli, hindi lang ito tungkol sa kung anong naibibigay natin sa anak natin—kundi kung paano natin nabubuo ang sarili natin habang pinalalaki sila.

Habang inaalagaan ko ang anak ko, mas nakikilala ko rin ang sarili ko. Unti-unti akong natutong maging mas pasensyoso, mas reflective, mas bukas sa pagbabago. Unti-unti ring naghihilom ang mga sugat na matagal ko nang binaon. Para sa akin, isa ito sa mga tahimik pero mahalagang regalo ng pagiging magulang.

Kaya oo, gusto kong ibigay sa kanya ang mga bagay na hindi ko naranasan. Pero higit pa doon, pipilitin kong maging magulang na may presensya at purpose. Gusto kong bigyan siya ng pagmamahal na buo, gabay na nakakaangat, at pundasyong matibay—para kahit wala ako, kaya niyang tumindig mag-isa.

Walang manual ang pagiging magulang. Pero minsan may mga tanong tayo, mga simpleng tagumpay, at mga paalala na kahit hindi perpekto ang pagmamahal natin, sapat ito para maging buo ang pamilya.

At habang binubuo ko ang mundo niya, unti-unti ko ring inaayos ang sarili ko.



Larawan mula sa Pixabay