Hindi na Sapat ang Diploma: Panahon na Para Seryosohin ang mga Batas sa Edukasyon
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-05-03 10:57:40
Halos 19 milyon na high school graduates sa Pilipinas ang hindi nauunawaan ang binasang simpleng kwento. Hindi ito exaggeration, ito ang resulta ng 2024 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA). Ibig sabihin, milyon-milyong estudyante ang nakatapos ng high school, pero hirap pa ring magbasa at umintindi. Anong silbi ng diploma kung hindi sila handang-handa sa totoong buhay?
Ito ay hindi lang simpleng problema sa statistics ito ay krisis sa edukasyon. Isang seryosong isyu para sa masinsinang pagrepaso kung epektibo nga ba ang mga batas sa edukasyon natin. Oo, may mga batas na tayo, pero malinaw na hindi sapat ang naging epekto nila sa ground level. Kaya dapat mag-isip na ang pamahalaan kung ano nga ba ang nangyari? Naging epektibo pa ba ang mga batas na natin? Tama naman ba ang pagpapatupad? O kailangan na talagang baguhin o dagdagan?
May Batas, Pero Epektibo Ba?
Maraming batas ang naipasa para palakasin ang edukasyon sa bansa. Isa na rito ang Republic Act 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013, na mas kilala bilang K–12 Law. Layunin nito na dagdagan ng dalawang taon ang basic education at ihanda ang mga estudyante sa trabaho, kolehiyo, o negosyo.
Maganda sana ang layunin. Pero higit isang dekada na ang lumipas, bakit may milyun-milyong graduates pa rin na hindi marunong magbasa? Ang problema ay hindi sa batas mismo, kundi sa mahinang implementation. Puro requirements, kulang sa quality learning.
Overloaded ang curriculum, kulang sa teacher training, at laging bitin ang learning materials. Ang focus kasi ay makapasa, hindi matuto. Graduation over education.
Devolution o Disconnection?
Ang Republic Act 9155 naman o ang Governance of Basic Education Act of 2001 ay naglalayong bigyan ng kapangyarihan ang mga local schools para tugunan ang pangangailangan ng kanilang komunidad.
Pero dahil sa kakulangan ng suporta at uneven na kakayahan ng local governments, lalong lumala ang agwat sa kalidad ng edukasyon sa iba’t ibang rehiyon. Sa mga lugar tulad ng Tawi-Tawi, Zamboanga del Sur, at Davao Occidental, umaabot ng 67% ang functional illiteracy. Malinaw na hindi pantay-pantay ang implementasyon.
May Skills Pero Walang Literacy?
Mayroon din tayong RA 10968 o ang Philippine Qualifications Framework (PQF) Act of 2018. Layunin nito na tiyaking handa sa trabaho ang mga graduates. Pero paano sila magiging “qualified” kung hirap silang bumasa o magsulat ng simpleng dokumento?
Ang literacy ay hindi bonus kundi isang skill, ito ang pundasyon ng lahat ng kaalaman. Kailangan may konkretong reading benchmarks na sinusundan mula Grade 1 pa lang. At kung bumabagsak ang school sa literacy targets, dapat may accountability.
Nagsisimula sa Murang Edad
Ang problema sa pagbabasa ay hindi lang issue ng high school nagsisimula ito sa murang edad. Kaya ipinasa ang RA 10157 o ang Kindergarten Education Act para gawing required ang kindergarten.
Pero kung wala namang sapat na training ang mga guro, kulang sa reading materials, at walang parent support, magiging pormalidad lang ang kinder at wala ring epekto.
Guro ang Sentro ng Reporma
Walang maidudulot ang lahat ng batas na ito kung walang mahusay na guro. Kaya napakahalaga ng RA 11713 o ang Excellence in Teacher Education Act na ipinasa noong 2022. Layunin nitong i-upgrade ang kalidad ng teacher education at licensure.
Pero sa ground level, marami pa rin sa mga teachers ang kulang sa training sa tamang reading strategies, individualized instruction, at paggamit ng technology. May ibang hawak ay higit 50 students kada klase. Paano ka makakapag-focus sa literacy kung overloaded ka na?
Kailangan ang full implementation ng batas, hindi lang sa papel kundi sa aktwal na pagtuturo. Dapat priority ang teacher development sa lahat ng education budgets.
Panahon na Para sa Policy Review Na Nagbibigay Boses sa mga Rehiyon
Hindi sapat na ipatupad lang muli ang mga batas na ito. Kailangan ng malawakang policy review o isang malalim na pagsusuri sa epekto ng mga education laws, lalo na ng K–12.
Pero ang pagrereview ay hindi lang dapat nakasentro sa Metro Maynila. Dapat ay may representasyon mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, mula sa Mindanao, Visayas, at mga liblib na lugar sa Luzon. Hindi pare-pareho ang problema sa literacy sa bawat rehiyon. Iba ang sitwasyon sa BARMM kumpara sa Quezon City o Cebu.
Ang review na ito ay dapat:
-
Suriin ang epekto ng bawat batas batay sa actual learning outcomes (halimbawa: reading comprehension levels);
-
Tukuyin ang mga hadlang tulad ng curriculum overload, kulang sa funding, o outdated materials;
-
Magrekomenda ng revisions para mas malinaw ang accountability at priority ang early literacy;
-
Siguruhin ang pantay na pondo sa mga public schools lalo na sa mga lalawigan;
-
Gumawa ng monitoring system para hindi lang nakasulat sa papel ang reporma kundi tunay na nasusunod.
Karapatang Magbasa, Hindi Pribilehiyo
Ang diploma ay simbolo ng kaalaman, hindi simpleng papel lang. Ibig sabihin ng pagtatapos ay handa ka na sa mundo at marunong ka kahit papaano na magbasa, umintindi, magsalita, at magdesisyon.
Pero ngayon, parang mas mahalaga pang magpa-graduate kaysa siguraduhing natuto talaga ang bata. Kung hindi marunong bumasa ang isang graduate, paano siya magtatrabaho? Paano siya boboto? Paano siya magiging productive citizen?
Hindi tayo kulang sa batas. Kulang tayo sa tamang pagpapatupad, political will, at boses ng mga nasa laylayan.
Larawan mula sa DepEd Facebook Page
