Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tatlong Israeli na Bihag, Pinalaya ng Hamas

Roxanne TamayoIpinost noong 2025-02-03 07:22:54 Tatlong Israeli na Bihag, Pinalaya ng Hamas

Pebrero 1, 2025 - Pinalaya ng Hamas ang tatlong Israeli na bihag na sina Yarden Bibas, Ofer Calderon, at Keith Seigel matapos ang 484 na araw ng pagkakabihag bilang bahagi ng kasunduan sa tigil-putukan sa Israel. Ito na ang ika-apat na pagpapalitan para sa mga bilanggong Palestinian. Nagsimula ang tigil-putukan sa teritoryo ng Palestine noong Enero 19 sa pagitan ng Hamas at Israel.

Si Yarden Bibas, 34 taong gulang, ay taga-Kibbutz Nir Oz. Noong Oktubre 7, 2023, siya ay dinukot kasama ang kanyang asawang si Shiri at ang kanilang dalawang anak na sina Ariel (5 taong gulang) at Kfir (2 taong gulang). Siya ang unang pinalaya, ngunit hindi pa tiyak ang kalagayan ng kanyang asawa at mga anak. Ayon sa Hamas, napatay ang kanyang pamilya sa mga airstrike ng Israel, subalit hindi ito kinumpirma ng mga awtoridad ng Israel.

Si Ofer Calderon, 53 taong gulang, ay dinukot kasabay ni Yarden. Kaunti lamang ang detalyeng inilabas tungkol sa kanyang pagkakabihag.

Si Keith Seigel, 65 taong gulang, ay may dalawang pagkamamamayan: Amerikano at Israeli. Dinukot siya noong Oktubre 7. Hindi gaanong naibalita ang tungkol sa kanyang pagkakabihag, ngunit kumpirmado na ang kanyang paglaya.

Kasulukuyang nasa ospital sa Israel ang mga dating bihag matapos silang ilipat gamit ang helicopter.

Bilang kapalit, pinalaya ng Israel ang 183 na bilanggong Palestinian. Bahagi ito ng kasunduang tigil-putukan upang maibsan ang tensyon at mapadali ang paglaya ng iba pang bihag mula sa magkabilang panig. Dahil sa kasunduan, muling binuksan ang Rafah border crossing sa pagitan ng Egypt at Gaza, na nagpapahintulot sa paglipat ng mga sugatang Palestinian sa mga pasilidad medikal sa Egypt.

Ipinahayag ng pamilya Bibas ang kanilang pag-aliw sa paglaya ni Yarden ngunit nananatiling labis na nag-aalala sa kapalaran nina Shiri at ng kanilang mga anak. Umaasa pa rin sila na ligtas na makakabalik ang kanilang pamilya pati na rin ang iba pang bihag.

Pebrero 8: Susunod na Pagpapalitan ng mga Bihag

Ayon sa Hamas, nakatakda ang susunod na pagpapalitan ng mga bihag at bilanggo sa Sabado, Pebrero 8. Noong Enero 19, pinalaya ang isang grupo ng mga bihag na kinabibilangan ng sampung Israeli at limang Thai, kapalit ng 400 bilanggong Palestinian.

Kung matutuloy, inaasahang magkikita sina Punong Ministro ng Israel na si Benjamin Netanyahu at Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos sa White House sa Pebrero 4.

Larawan: Jack Guez, AFP