3 Patay, 3 Sugatan sa Pamamaril sa Grand Sierra Resort sa Reno
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-07-29 23:36:18
Tatlong tao ang nasawi at tatlo ang sugatan sa isang malagim na pamamaril na naganap sa Grand Sierra Resort and Casino sa Reno, Nevada nitong Lunes, Hulyo 28.
Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang insidente bandang 7:30 ng umaga sa valet area ng naturang resort. Sa press conference, sinabi ni Sparks Police Chief Chris Crawforth na nagkaaberya muna ang baril ng suspek bago ito muling naging operable at agad na pinaputukan ang mga biktima.
Lima ang unang tinamaan ng bala — isa ang agad na nasawi sa pinangyarihan, habang ang apat ay dinala sa ospital. Isa pa ang binawian ng buhay habang ginagamot. Dalawa ang nananatiling kritikal ang lagay, habang ang isa ay pinalabas na mula sa ospital.
Hindi pa dito natapos ang pamamaril. Ayon kay Crawforth, nagtungo ang suspek sa hilagang bahagi ng parking lot at binaril ang isang security guard ng casino na humarap sa kanya. Gumanti ng putok ang guwardya, dahilan para patuloy na tumakas ang suspek.
Maya-maya pa, binaril ng suspek ang isang motorista sa parking lot na kalaunan ay idineklarang patay sa pinangyarihan. Sa sumunod na engkuwentro, kinompronta ng mga pulis ang suspek sa northwest side ng gusali. Nagkaroon ng palitan ng putok at tinamaan ang suspek, na ngayon ay nasa kritikal na kondisyon sa ospital.
Isang pulis naman ang nagtamo ng minor injuries dahil umano sa glass fragments, at isa sa mga patrol cars ay tinamaan din ng bala.
Bagama't sa lungsod ng Reno naganap ang pamamaril, ang Sparks Police ang mangunguna sa imbestigasyon bilang bahagi ng polisiya ng Reno Police sa mga kaso ng officer-involved shootings.
Wala umanong koneksyon ang suspek sa mga biktima, ayon kay Crawforth.
Nagpahayag ng pakikiramay si Reno City Councilmember Devon Reese:
"My heart breaks for the victims, their families, and our entire community. Reno is strong — but we are not immune to the epidemic of gun violence gripping this nation."
Naglabas din ng pahayag ang Grand Sierra Resort:
"We are heartbroken by the senseless violence that occurred in our parking area earlier today. Our thoughts are with the victims and all those affected by this tragic incident."
Patuloy ang imbestigasyon at pinayuhan ng pulisya ang publiko na iwasan muna ang lugar habang tumutugon pa ang mga awtoridad sa insidente.
(Larawan mula sa CNN)
