Diskurso PH
Translate the website into your language:

Thaksin Shinawatra balik-kulungan matapos ideklarang ilegal ang pananatili sa ospital

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-09 19:36:31 Thaksin Shinawatra balik-kulungan matapos ideklarang ilegal ang pananatili sa ospital

Bangkok, Setyembre 9, 2025 – Inatasan ng Korte Suprema ng Thailand na makulong ng isang taon ang dating Punong Ministro at negosyanteng si Thaksin Shinawatra, matapos hatulang ilegal ang halos isang taong pananatili niya sa ospital imbes na sa kulungan.


Si Thaksin, 76, na naging lider ng bansa mula 2001 bago mapatalsik sa kudeta noong 2006, ay bumalik sa Thailand noong 2023 matapos ang 15 taon ng self-exile. Nasentensyahan siya ng walong taon dahil sa katiwalian at abuso sa kapangyarihan, ngunit agad na nailipat sa ospital sa halip na sa kulungan dahil umano sa mga karamdamang medikal.


Binawasan ng Hari ng Thailand ang kanyang sentensiya sa isang taon, at nakalaya siya sa parole noong Pebrero 2024. Subalit ayon sa desisyon ng Korte Suprema ngayong Martes, hindi maaaring ikonsiderang "time served" ang pananatili niya sa ospital, dahil puwede raw sanang outpatient treatment lamang ang kailangan.


Ipinahayag ng hukuman na malinaw na nakinabang si Thaksin sa “special treatment” at sinadyang naiwasan ang aktwal na pagkakakulong. Dahil dito, inatasan siyang magsilbi ng isang taon sa Bangkok Remand Prison.


Sa isang pahayag sa social media, tinanggap ni Thaksin ang desisyon ng korte:

“Today I choose to look forward, letting all past matters come to a resolution. Though I may lack physical freedom, I still have the freedom of thought for the benefit of the nation and people.”


Samantala, nanindigan ang kanyang anak at dating Punong Ministro Paetongtarn Shinawatra na mananatiling buo ang loob ng kanilang pamilya at ipagpapatuloy ng kanilang partidong Pheu Thai ang tungkulin bilang oposisyon.


Ang hatol na ito ay itinuturing na malakas na dagok sa makapangyarihang Shinawatra dynasty, na mahigit dalawang dekada nang nangingibabaw sa pulitika ng Thailand ngunit madalas namang binabagsak ng militar at korte.


Kamakailan lamang, tinanggal sa puwesto si Paetongtarn ng Constitutional Court dahil sa isang leaked phone call na lumabag sa ethics rules, at naagaw ng beteranong pulitiko na si Anutin Charnvirakul ang pamumuno bilang bagong Punong Ministro ng Thailand.