Diskurso PH
Translate the website into your language:

Nepali youth protesters, walang pagsisisi sa madugong pagkilos laban sa katiwalian

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-15 13:39:58 Nepali youth protesters, walang pagsisisi sa madugong pagkilos laban sa katiwalian

KATHMANDU, Nepal — Sa kabila ng higit 70 nasawi at daan-daang sugatan sa marahas na kilos-protesta sa Nepal, nanindigan ang mga kabataang nag-aklas na wala silang pinagsisisihan sa kanilang ginawa, matapos magbitiw ang punong ministro at magtalaga ng pansamantalang gobyerno.


Isa sa mga sugatan si Aditya Rawal, 22-anyos na estudyante na tinamaan ng bala habang tumutulong sa kapwa raliyista. “Kung walang pagbabago, handa kaming lumaban muli. Gusto namin ng gobyernong tapat, walang korapsyon, at walang diktadura,” aniya habang nagpapagaling sa ospital.


Ganito rin ang damdamin ni Subash Dhakal, 19, na tinamaan ng bala sa tuhod at posibleng manatiling bedridden nang anim na buwan. “Wala akong pinagsisisihan. Ang sakit na ito ay pansamantala, pero ang pagbabagong dulot nito ay para sa lahat,” sabi niya.


Ayon sa Civil Service Hospital, mahigit 450 sugatang nagprotesta ang kanilang tinanggap, karamihan ay kabataan, at anim ang binawian ng buhay habang ginagamot.


Nag-umpisa ang kaguluhan noong Setyembre 8 matapos ipagbawal ng gobyerno ang social media at sa gitna ng galit ng publiko sa lumalalang katiwalian. Mula rito ay umusbong ang “Gen Z” protest na kalaunan ay nagresulta sa pagbibitiw ng beteranong punong ministro at pagkasunog ng parliyamento at mga tanggapan ng pamahalaan.


Noong Biyernes, nanumpa si dating punong mahistrado Sushila Karki, 73, bilang pansamantalang punong ministro upang ihanda ang bansa para sa halalan sa loob ng anim na buwan.


Sa kabila ng matinding pinsala, iginiit ng mga kabataan at kanilang pamilya na sulit ang sakripisyo dahil nagdala ito ng pagbabago sa loob lamang ng ilang araw.


Larawan mula sa BBC