Diskurso PH
Translate the website into your language:

AI kontra korupsyon? Kauna-unahang ai-made minister, itinalaga ng Albania

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-16 01:17:24 AI kontra korupsyon? Kauna-unahang ai-made minister, itinalaga ng Albania

ALBANIA Isang makasaysayang hakbang ang ginawa ng bansang Albania matapos nitong italaga ang kauna-unahang Artificial Intelligence (AI) minister sa buong mundo na pinangalanang Diella.

Layunin ng nasabing posisyon na palakasin ang laban kontra korupsyon, partikular sa usapin ng mga pampublikong proyekto at bidding process. Si Diella, na pinapagana ng advanced AI technology, ay binigyan ng awtoridad na magdesisyon sa mga public tenders upang matiyak ang patas, malinaw, at walang kinikilingang proseso.

Itinuturing ito ng mga eksperto bilang isang “game-changer” dahil binabawasan nito ang posibilidad ng human bias at katiwalian sa pamahalaan. Ayon sa mga opisyal ng Albania, ang pagtatalaga kay Diella ay malinaw na pagpapakita ng kanilang determinasyong labanan ang matagal nang problema ng korupsyon na matindi ring nakaapekto sa ekonomiya at tiwala ng mamamayan.

Maraming bansa ang nakatingin ngayon sa Albania upang makita kung magiging epektibo ba ang ganitong klase ng inobasyon. Kung magtatagumpay, posibleng magsilbi itong modelo para sa iba pang pamahalaan sa buong mundo na nais pagsamahin ang teknolohiya at pamamahala.

Sa ganitong hakbang, ipinapakita ng Albania na bukod sa tradisyunal na reporma, maaari ring maging sandata ang AI upang tiyakin ang mas tapat at episyenteng serbisyo publiko. (Larawan: The Technology Express / Google)