'Si Janella ba ang dahilan?' — mga like ni Katrice nagpainit sa dahilan ng breakup nila ni Klea Pineda
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-21 09:58:03
MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-ikot ng mga espekulasyon kaugnay ng diumano’y pagkakasangkot ni Janella Salvador sa hiwalayan nina Klea Pineda at Katrice Kierulf, matapos mapansin ng netizens ang social media activity ni Kierulf na tila nagpapahiwatig ng third-party angle.
Lalong lumakas ang tsismis matapos kumpirmahin ni Klea sa Fast Talk with Boy Abunda ang kanilang hiwalayan ni Katrice matapos ang tatlong taon bilang magkasintahan. Nilinaw ni Klea, “I’m proud to say that I didn’t cheat on Kat. I love her too much to do that. And knowing Kat, she wouldn’t do that either.”
Gayunman, umani ng pansin ang online behavior ni Kierulf. Ikinagulat ng netizens ang umano’y pag-like niya sa ilang TikTok comments na nagtatanong kung si Janella Salvador ang dahilan ng kanilang breakup. Kabilang sa mga ito ang mga komento na tumutukoy kay Janella bilang “third party” at mga mensahe na nag-uugnay kina Klea at Janella sa mas personal na paraan.
Sa isang Reddit thread, makikitang nag-like umano si Kierulf sa mga komento gaya ng, “Is Janella the reason?” at “Galawang KathDen ba ‘to?” — patungkol sa mga publicity stunt na may kinalaman sa rumored relationships. Isa pang netizen ang nagsabing nakita raw sina Klea at Janella na magkasama sa Bonifacio Global City (BGC) kamakailan, dahilan para lalo pang magliyab ang haka-haka.
Nagkataon din na sabay lumalabas ang mga tsismis sa nalalapit na Cinemalaya 2025 film nina Klea at Janella na Open Endings — isang pelikulang tumatalakay sa LGBTQIA+ themes. Naniniwala ang ilang fans na maaaring bahagi ito ng marketing strategy, ngunit may iba ring nagsasabing totoo ang emosyonal na epekto ng breakup kaya malabong scripted ang lahat.
Sa ngayon, wala pang pahayag si Janella Salvador tungkol sa mga paratang. Si Katrice, bagama’t aktibo sa social media, ay hindi rin direktang kinumpirma ang mga usap-usapan.
Nagbabala naman ang ilang entertainment insiders laban sa mabilisang paghusga batay lang sa social media activity. Ayon sa isang PR strategist, “Liking a comment doesn’t always mean endorsement… But in the age of digital breadcrumbs, it’s enough to spark a wildfire.”
Umani ng malaking atensyon online ang breakup, at maraming fans ang nagpapahayag ng suporta sa lahat ng sangkot. Habang ang ilan ay nananawagan ng linaw, may iba ring nanawagan ng respeto sa privacy ng mga nasasangkot.