Sikat na tiktok fashion influencer na si Marian Izaguirre, pumanaw sa edad na 23
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-17 02:09:28
URUAPAN CITY, MEXICO – Pumanaw na si Marian Izaguirre, kilalang fashion influencer na may higit 4.1 milyong followers sa TikTok, sa edad na 23. Ang kaniyang biglaang pagkawala at pagpanaw ay nagdulot ng matinding kalungkutan sa digital community at sa libo-libong tagahanga na kaniyang na-inspire.
Noong Agosto 29, huling nag-post si Izaguirre ng isang video kung saan naka-clown makeup siya habang nagli-lip sync ng kantang may temang tungkol sa iniwang pag-ibig. Makalipas ang dalawang araw, bigla siyang nawala, dahilan upang mag-alala ang kaniyang pamilya. Tatlong araw matapos nito, nag-report ang pamilya ng missing person case sa Uruapan City.
Ayon sa ulat ng El Financiero, natagpuan si Izaguirre noong Setyembre 6 sa isang hotel sa Morelia. Mahina na ang kaniyang kalusugan at agad siyang tinulungan ng mga paramedics bago isinugod sa ospital. Ilang araw matapos nito, idineklarang brain-dead si Izaguirre.
Sa kabila ng matinding dalamhati, nagdesisyon ang pamilya na i-donate ang kaniyang mga organs kabilang ang corneas, kidneys, skeletal muscle, at balat, upang magbigay ng bagong pag-asa sa iba.
Maraming netizens at kaibigan ang nagbigay ng kanilang huling mensahe sa TikTok page ng influencer. Ayon kay content creator Marcelo Alcazar, “Sa maikling panahon na nakilala ko si Marian, isa siyang kahanga-hangang babae na laging may ngiti at isa talagang anghel.”
Si Izaguirre ay ipinanganak noong Nobyembre 13, 2001, at nagsimula bilang pop artist sa kaniyang late teens. Kalaunan, mas nakilala siya sa larangan ng fashion content sa TikTok kung saan umabot sa milyon ang kaniyang followers.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga pangyayari sa kaniyang pagkawala at pagkamatay. (Larawan: NDTV / Google)