Diskurso PH
Translate the website into your language:

Kolette Madelo, humingi ng paumanhin sa isyu kaugnay ng BINI

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-08-14 22:09:15 Kolette Madelo, humingi ng paumanhin sa isyu kaugnay ng BINI

Humingi ng paumanhin si dating Pinoy Big Brother Gen 11 housemate Nyckolette “Kolette” Madelo matapos siyang batikusin dahil sa pag-react at pakikilahok sa isang post sa Facebook na may kinalaman sa P-pop girl group na BINI.

Sa isang public post, direkta niyang kinausap ang mga tagasuporta ng grupo na kilala bilang “Blooms.” Aniya, “Hello Blooms, I just wanted to say sorry for reacting and engaging to a certain post about Bini. I want to take full accountability and personally apologize to those who might have been offended. I will do my best to be better.”

Inamin din ni Madelo na seryoso ang usapin at dapat ay naging mas maingat at sensitibo siya. “I should have been more thoughtful and sensitive,” dagdag pa niya sa kanyang pahayag.

Hinikayat din niya ang sariling fans, na tinatawag na “Moonies,” na huwag sumali sa anumang hate train o pambabatikos bilang depensa sa kanya. Giit ni Madelo, gagamitin niya ang nangyari bilang aral para maging mas mabuting tao.

Mabilis kumalat sa social media ang kanyang pahayag na ngayon ay may libo-libong reaksyon, komento, at shares. May mga netizen na nagpahayag ng suporta sa kanyang pag-amin, habang ang iba naman ay nanatiling kritikal sa kanyang naging aksyon.

Sa kabila ng magkahalong reaksyon, tiniyak ni Madelo na gagawin niya ang lahat upang maiwasan na maulit ang ganitong sitwasyon sa hinaharap.