Tom Holland, pansamantalang huminto sa shooting ng bagong Spider-Man dahil sa Concussion
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-09-24 21:38:06
Watford,England–Nag-aalala ang mga fans ng Marvel matapos magtamo ng mild concussion si Tom Holland habang ginagawa ang stunts para sa kanyang bagong pelikula na Spider-Man: Brand New Day. Ayon sa ulat, pansamantalang itinigil ang shooting bilang bahagi ng pag-iingat at para bigyan siya ng sapat na oras upang makarekober.
Ayon sa mga ulat, naganap ang insidente sa Leavesden Studios, Watford, England, sa United Kingdom.
Sa kabila ng insidente, tiniyak ng mga malalapit sa aktor na nasa mabuting kalagayan na si Holland at unti-unti nang nakakabawi. Nakita pa nga siyang muling lumabas sa publiko kamakailan kasama ang fiancée niyang si Zendaya sa isang charity event, kung saan nakatanggap siya ng masigabong suporta mula sa mga tagahanga.
Ang Spider-Man: Brand New Day ang ika-apat na pelikula ni Holland bilang friendly neighborhood superhero, na nakatakdang ipalabas sa mga sinehan sa Hulyo 31, 2026. Inilarawan mismo ng aktor ang proyekto bilang isang “rebirth” para kay Peter Parker — isang bagong simula na magdadala ng kakaibang direksyon sa karakter.
Bukod dito, kinumpirma rin ni Holland na sasabak siya sa pelikula ni Christopher Nolan na The Odyssey. Sa kanyang pahayag, tinawag niya ang script ng pelikula bilang “ang pinakamaganda” na nabasa niya sa buong career niya, kaya’t marami ang nag-aabang kung paano niya ito bibigyang-buhay.
Ang mild concussion ay isang uri ng traumatic brain injury (TBI) na nangyayari kapag ang ulo ay natamaan, nayanig, o nakaranas ng biglaang impact. Tinatawag itong “mild” dahil hindi ito kasing grabeng pinsala kumpara sa mas seryosong traumatic brain injuries, pero hindi ibig sabihin na dapat ipagsawalang-bahala.
Sa kabila ng mga hamon, nananatiling positibo at masigla si Tom Holland. At habang naghihintay ang mundo sa kanyang pagbabalik sa malaking pelikula, mas lalong lumalakas ang suporta ng kanyang fans na patuloy na nagdadasal para sa kanyang kalusugan at tagumpay.
larawan/google