Baguio, pinakamayamang lungsod sa labas ng NCR — PSA
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-15 16:56:31
BAGUIO CITY — Muling pinatunayan ng Baguio ang lakas ng ekonomiya nito matapos ideklara ng Philippine Statistics Authority (PSA) bilang pinakamayamang lungsod sa labas ng National Capital Region (NCR), batay sa 2024 economic performance.
Ayon kay Aldrin Federico Bahit Jr., PSA chief statistician para sa Cordillera, ang Baguio ay pumwesto bilang ika-10 sa listahan ng mga highly urbanized cities sa buong bansa, ngunit nanguna sa mga lungsod sa labas ng NCR pagdating sa per capita gross city domestic product (GDP). “The city’s GDP translates to a per capita output of ₱485,433 in goods and services generated per person,” ani Bahit sa isang economic briefing noong Martes.
Bagama’t bumaba ang growth rate ng lungsod mula 9% noong 2023 patungong 5.8% ngayong 2024, tumaas pa rin ang kabuuang GDP mula ₱169.02 bilyon patungong ₱178.85 bilyon. Nanatiling pangunahing tagapagtaguyod ng ekonomiya ng lungsod ang sektor ng serbisyo, na umabot sa ₱133.87 bilyon at nag-ambag ng 5.5% sa kabuuang paglago.
Pati ang sektor ng agrikultura ng Baguio ay nagpakita ng positibong pag-unlad, na may 3.6% growth rate noong nakaraang taon. Ayon sa PSA, mas mataas pa ang per capita GDP ng Baguio kumpara sa pitong lungsod sa NCR, na nagpapakita ng matatag na lokal na ekonomiya sa kabila ng limitadong populasyon.
Ang tagumpay na ito ay itinuturing na bunga ng balanseng pag-unlad sa turismo, serbisyo, at lokal na pamumuhunan. Patuloy ang pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na mapanatili ang momentum ng ekonomiya habang pinangangalagaan ang kapaligiran at kalidad ng pamumuhay ng mga residente.