UP-PGH, nagbukas ng gene-based cancer treatment centers
Ipinost noong 2025-04-29 15:01:53
Abril 29, 2025 — Nagbukas ngayong araw ang University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) Cancer Institute ng dalawang bagong pasilidad para isulong ang precision medicine sa bansa, lalo na sa paggamot ng cancer.
Pinangunahan ni UP President Angelo A. Jimenez ang inauguration ng Center for Precision Medicine at ng Next Generation Sequencing Unit. Binigyang-diin niya kung gaano kahalaga ang mga bagong development na ito para sa mga Pilipinong pasyente.
“Many of our kababayan fighting life-threatening illnesses face a sobering double burden: the high cost of care, and the grim prognosis that often accompanies late or limited treatment. It is a harsh truth—one rooted not in resignation, but in the real constraints of our healthcare system (Marami sa ating kababayan na lumalaban sa mga malulubhang sakit ang humaharap sa isang mabigat na doble na pasanin: ang mataas na gastos sa pangangalaga, at ang malungkot na prognosis na madalas kasabay ng huling bahagi o limitadong paggamot. Isang matinding katotohanan ito—hindi dahil sa pagkatalo, kundi dahil sa mga tunay na limitasyon ng ating sistema ng kalusugan),” sabi ni Jimenez.
Dagdag pa niya, “Today, we mark a turning point. The launch of the Next Generation Sequencing Unit and the PGH Center for Precision Medicine is a beacon of hope. It represents a bold leap forward in how we understand, diagnose, and treat cancer (Ngayon, itinatampok natin ang isang mahalagang pagbabago. Ang paglulunsad ng Next Generation Sequencing Unit at PGH Center for Precision Medicine ay isang ilaw ng pag-asa. Ito ay isang matapang na hakbang pasulong sa paraan ng ating pag-unawa, pagsusuri, at paggamot sa kanser).”
Ang precision medicine ay isang paraan ng paggamot kung saan ang tamang gamot sa tamang dosis ay ibinibigay base sa genetic profile ng isang pasyente. Matagal nang isinusulong ng mga Pilipinong siyentista at doktor na espesyalista sa pharmacogenomics ang ganitong approach.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong March 23, 2025, ang neoplasms o abnormal na paglaki ng cells ang pangalawang leading cause of death sa bansa. Noong 2022 naman, tinatayang nasa 466,000 na Pilipino ang nabubuhay na may cancer.
Ang UP-PGH Cancer Institute, na itinatag 86 years ago sa bisa ng Commonwealth Act No. 398, ay may mandato na gamutin ang cancer patients, magsaliksik tungkol sa cancer causes at prevention, itaguyod ang mga cancer-related programs, at magpatakbo ng specialized laboratories. Ito rin ang nagsisilbing national hub para sa cancer information.
Sa mga nakaraang taon, pinalawak ng institute ang kanilang kakayahan sa pamamagitan ng pag-introduce ng mga advanced diagnostic technologies tulad ng immunohistochemical stains at molecular testing, pati na rin ang pagpapabuti ng access sa chemotherapy treatments.
Ang pagbubukas ng Center for Precision Medicine at ng Next Generation Sequencing Unit ay isang malaking milestone sa patuloy na pagsusumikap ng institute na maghatid ng world-class, research-driven cancer care para sa mga Pilipino.
Pahayag pa ni Jimenez, “The University of the Philippines takes pride in being at the forefront of scientific discovery and public service. We have long been known for pushing the frontiers of research, but what truly sets us apart is how we put that research to work for the Filipino people (Ipinagmamalaki ng Unibersidad ng Pilipinas ang pagiging nangunguna sa agham at serbisyong publiko. Matagal na kaming kilala sa pagpapalawak ng mga hangganan ng pananaliksik, ngunit ang tunay na pagkakaiba namin ay kung paano namin ginagamit ang aming mga natuklasan para sa kapakanan ng mga Pilipino).”
Dagdag pa niya, “The Philippine General Hospital embodies this mission. Here, tireless dedication turns new scientific knowledge into life-saving treatments, especially for our fellow Filipinos who need it most, yet can least afford (Ang Philippine General Hospital ay sumasalamin sa misyon na ito. Dito, ang walang sawang dedikasyon ay nagiging daan para sa bagong kaalaman sa agham na maghatid ng mga life-saving na paggamot, lalo na para sa ating mga kababayan na pinakamahirap at pinakamailangan).”
Ang Center for Precision Medicine, na matatagpuan sa likod ng Ward 12, ang magsisilbing clinical arm ng proyekto sa pamumuno ni Dr. Eva Maria Cutiongco-Dela Paz, isang pediatrician at geneticist. Samantala, ang sequencing unit naman ay nasa loob ng Molecular Pathology and Genomics Laboratory ng ospital.
Larawan: University of the Philippines/Facebook
