BINI, pasok sa ‘30 Under 30’ bago ang pagsisimula ng world tour
Ipinost noong 2025-05-16 15:27:53
Mayo 16, 2025 — Nagpasiklab ang BINI, ang Nation’s Girl Group, sa pagsisimula ng 2025 matapos silang mapabilang kamakailan sa “30 Under 30” list ng Forbes Asia—isang prestihiyosong pagkilala sa mga natatanging kabataan—kasabay ng paglulunsad ng kanilang BINIverse World Tour 2025.
“It feels surreal to be recognize by prestigious platform it is something we never expected when we started (Parang panaginip na makilala ng isang prestihiyosong plataporma—hindi namin inakalang mangyayari ito noong nagsisimula pa lang kami),” ani BINI Jhoanna sa isang panayam sa NAIA Terminal 3, ilang sandali bago sila lumipad papuntang Dubai—ang unang stop ng kanilang inaabangang international tour.
Ibinahagi rin ni BINI Aiah kung gaano kahalaga sa kanila ang tour stop na ito. “Last time we were there 2021, and naalala namin yun yung first live show and now we are coming back again for our own concert,” paliwanag niya. “We are grateful and blessed (Kami ay nagpapasalamat at pinagpala).”
Excited din ang grupo na muling makita ang kanilang international fans—ang mga Blooms—na gumawa pa ng isang nakaka-touch na video message bilang suporta.
“Ang cute talaga. They are so excited to see us as much as we are. First tour natin to na widescope. We are so thankful andoon sila to support samin,” sabi ni BINI Mikha.
Mula sa Dubai, magpapatuloy ang global journey ng BINI—isang emosyonal at makapangyarihang paglalakbay na magdiriwang ng kanilang mga tagumpay at magpapalalim sa koneksyon nila sa mga fans sa iba’t ibang panig ng mundo.
Larawan: MJ Felipe/Facebook
