Liza Soberano, inaming gusto nang magpakasal 1 taon bago hiwalayan si Enrique Gil
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-15 13:41:12
MANILA — Inamin ng aktres na si Liza Soberano na minsan niyang inasahan na mauuwi sa kasal ang halos walong taong relasyon nila ni Enrique Gil o Ken, ngunit naghiwalay na sila halos tatlong taon na ang nakalipas. Sa isang candid na panayam, ikinuwento ni Soberano ang buong takbo ng kanilang relasyon mula sa pagiging love team hanggang sa kanilang pribadong paghihiwalay.
Ayon kay Liza, nagsimula ang kanilang pagkakakilala bago pa man pormal na buuin ang kanilang love team. Nagsimulang humanga si Enrique sa kanya at hiningi pa raw nitong magkasama sila sa mga proyekto. Sa una, magkaibigan lamang sila ngunit kalaunan, habang ginagawa ang isang pelikula, unti-unting nabuo ang damdamin niya para sa aktor. “I think that’s when in hindsight, that’s when I fell in love with him,” aniya.
Kwento ni Liza, mas naging espesyal ang ugnayan nila nang magsimula silang mag-usap sa labas ng trabaho— kabilang ang isang prank call na nauwi sa mga kilig na palitan ng mensahe. Sa paglipas ng panahon, naharap sila sa matinding pressure ng pagiging love team sa mata ng publiko. Bagama’t matagal nilang itinanggi ang kanilang relasyon, umabot sa limang taon bago nila kinumpirma ito.
Ngunit sa kabila ng matibay na samahan, inamin ni Liza na isang taon bago ang aktuwal na paghihiwalay, nakaramdam na siya ng hindi pagiging masaya. “We were already at that point, almost eight years together, and I was genuinely expecting us to get married like soon, but then that didn’t happen,” pahayag niya. Idinagdag niyang maayos ang naging paghihiwalay at puno pa rin ng pagmamahalan at respeto.
“He didn’t do anything bad. Nothing bad happened. Our breakup was really good. It was just, we weren’t a match anymore,” ani Liza. Nilinaw din niyang ang desisyon ay bahagi ng kanyang pangangailangang maghanap at magpatuloy sa sariling paglago. Gayunman, umamin siyang may nararamdamang guilt para sa mga tagasuporta na umasa sa kanilang tambalan.
Para kay Liza, ang pagpili sa sarili ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng pagmamahal sa naging kapareha. “I knew deep down in my core that something was wrong and that I would be doing a disservice not only to me, but to him if I didn’t say anything or do anything about it,” sabi niya. Hanggang ngayon, umaasa siyang tuluyan niyang mapapalaya ang sarili, habang pinananatili ang magandang alaala ng kanilang pinagsamahan.
