Bagong movie experience! SM Cinema magbubukas ng immersive 270° ScreenX
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-06 20:26:08
PASAY CITY — Isang bagong yugto sa karanasan ng panonood ng pelikula ang ilulunsad ng SM Cinema sa pamamagitan ng pagdadala ng kauna-unahang 270-degree panoramic ScreenX theater sa bansa. Sa pakikipagtulungan sa CJ 4DPLEX, isang global cinema technology company, itatayo ang unang ScreenX auditorium sa SM Mall of Asia, isa sa pinakamalalaking mall sa Southeast Asia.
Ang ScreenX ay isang makabagong format ng sinehan kung saan ang pelikula ay hindi lamang ipinapakita sa harap, kundi pati sa kaliwa at kanang bahagi ng dingding ng sinehan, gamit ang multi-projection system. Layunin nitong bigyan ang mga manonood ng mas immersive na karanasan, na tila ba nasa loob sila ng mismong eksena ng pelikula.
“We are proud to bring SCREENX to the Philippines through our partnership with CJ 4DPLEX. At SM Cinema, we continue to push the boundaries of entertainment by introducing world-class innovations that elevate the moviegoing experience for our customers,” pahayag ni Steven T. Tan, Pangulo ng SM Supermalls.
Ayon kay Jun Bang, CEO ng CJ 4DPLEX, “Launching SCREENX in the Philippines with SM Cinema — the country’s No. 1 exhibitor — is a major milestone in our mission to innovate cinematic storytelling”. Dagdag pa ni Don Savant, Chief Brand Officer ng CJ 4DPLEX, “Bringing our immersive 270-degree format to the Mall of Asia, one of Southeast Asia’s most iconic destinations, allows us to offer Filipino audiences a bold new way to experience film”.
Sa kasalukuyan, mayroong mahigit 435 ScreenX theaters sa 40 bansa, kabilang ang mga pangunahing merkado sa Asia, Europe, at North America. Ang SM Cinema naman ay may higit sa 300 screens sa 76 branches sa buong Pilipinas, kabilang ang mga premium formats tulad ng IMAX, Director’s Club, at Event Cinema.
Bagama’t wala pang tiyak na petsa ng pagbubukas, inaasahang magiging isa ito sa pinakapinag-uusapang cinematic innovations sa bansa. Ang proyekto ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng SM Cinema na iangat ang kalidad ng entertainment para sa mga Pilipino.
Larawan mula sa Cinesthetic
