Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ruffa Mae Quinto, inamin na ang tunay na cause of death ng asawang si Trevor

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-19 08:59:39 Ruffa Mae Quinto, inamin na ang tunay na cause of death ng asawang si Trevor

MANILA — Nagsalita si komedyante at aktres na si Rufa Mae Quinto upang linawin ang mga espekulasyon kaugnay ng biglaang pagpanaw ng kanyang asawang si Trevor Magallanes. Sa isang video statement, iginiit ni Quinto na hindi suicide o foul play ang dahilan ng pagkamatay ng asawa kundi isang “sudden death.”

Ayon kay Quinto, dumaan ang kanilang pamilya sa matinding dagok matapos ang hindi inaasahang pagkawala ni Magallanes, na noo’y nasa edad 40. Aniya, “Wala pong suicide or foul play na nangyari po sa asawa ko… ang tawag doon, sudden death. Yun po ang sabi sa autopsy.”

Inilahad ni Quinto na bagama’t bata pa ang kanyang asawa, may history ng heart attack sa pamilya ni Magallanes. Mismong kapatid ng yumaong si Trevor na si Jesse Magallanes ang nagpatunay na may mga kamag-anak sila, kabilang ang kanilang ama at lolo, na pumanaw din sa murang edad dahil sa atake sa puso.

“Unfortunately, there was a lot of heart attacks that run in our family,” ayon kay Jesse, na dumating pa mula Amerika upang makiramay at magbigay suporta sa pamilya ng kanyang kapatid.

Dagdag pa ni Quinto, bagama’t mahirap tanggapin ang nangyari, pinipilit niyang maging matatag para sa kanilang anak na si Athena. Sinabi niyang ang pagtatrabaho at pagpapatawa ay paraan niya upang hindi tuluyang lamunin ng matinding dalamhati. “Ayoko pong umabot ako sa talagang lugmok na lugmok sa kalungkutan. Kaya gusto kong magtrabaho para tumawa, para makuha rin ng anak ko ang energy ko,” dagdag niya.

Sa huli, nanawagan si Quinto na huwag nang gawing isyu ang pagkawala ng kanyang asawa at sa halip ay alalahanin ito bilang isang mabuting tao, asawa, ama, at lingkod-bayan. Si Magallanes ay nagsilbi sa United States Air Force at sa San Francisco Police Department bago ang kanyang biglaang pagpanaw.

Sa isinagawang celebration of life para kay Magallanes, binigyang-diin ng pamilya at mga kaibigan na ang iniwang alaala at pagmamahal niya ang mananatili sa kanilang mga puso.