Diskurso PH
Translate the website into your language:

DOH, hinikayat ang mga kabataan na pumili ng masustansyang pagkain ngayong kapaskuhan

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-21 22:59:48 DOH, hinikayat ang mga kabataan na pumili ng masustansyang pagkain ngayong kapaskuhan

MANILA, Philippines Hinikayat ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang mga kabataan at kanilang pamilya na maging mas maingat sa pagpili ng pagkain ngayong panahon ng Kapaskuhan, kasabay ng paalala na panatilihin ang malusog na pamumuhay sa gitna ng sunod-sunod na handaan at selebrasyon.

Ayon sa datos ng DOH para sa ika-apat na quarter ng 2024 sa National Capital Region (NCR), patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong may problema sa kalusugan na may kaugnayan sa hindi wastong pagkain at lifestyle. Naitala ang 50,502 adult na may panganib sa hypertension, 16,279 na may Type 2 diabetes, at 110,613 na obese. Bukod pa rito, umabot sa 37,936 ang mga adult na binge drinkers, habang 25,577 naman ang naitalang smokers sa rehiyon.

Bilang tugon sa mga nakababahalang datos na ito, muling itinampok ng DOH ang programang “Tamang Pagkain, Ehersisyo, at Disiplina” na naglalayong gabayan ang publiko sa mas balanseng paraan ng pamumuhay. Kabilang dito ang “Pinggang Pinoy,” na nagsisilbing gabay sa wastong proporsyon ng pagkain sa bawat kainan, gayundin ang sistemang Go, Grow, at Glow foods upang matiyak na natutugunan ang pangangailangan ng katawan sa enerhiya, protina, at bitamina.

Ayon kay Tan ng DOH-MMCHD, mas binibigyang-pansin ng ahensya ang kapakanan ng mga kabataan lalo na tuwing Kapaskuhan. “Sa mga handaan natin o during holidays, mas maraming mga kabataan ang nai-expose sa mga paputok at nae-expose sa mga accident, kaya nag-focus tayo sa mga kabataan ngayong Pasko,” pahayag niya. Dagdag pa ng DOH, mahalagang samahan ang tamang pagkain ng regular na ehersisyo at disiplina upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng labis na pagkain, matatamis, at mamantikang pagkain na karaniwan sa mga handaan. Sa pamamagitan ng wastong kaalaman at disiplina, umaasa ang ahensya na magiging mas malusog at ligtas ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ng bawat pamilyang Pilipino. (Larawan: EatingWell / Google)