Libreng playpark sa Taguig, bukas na para sa pamilyang Pinoy
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-22 20:03:23
DISYEMBRE 22, 2025 — Sa Barangay Lower Bicutan, Taguig City, pormal nang inilunsad ng lokal na pamahalaan ang TLC Playpark, isang pampublikong pasilidad na libre para sa mga bata at pamilya. Ang 3,000-square-meter na lugar ay itinayo sa tabing-Laguna Lake at nakatuon sa mga batang edad 3 hanggang 12.
Layunin ng proyekto na magbigay ng ligtas at malikhain na espasyo para sa aktibong paglalaro, kasabay ng pagpapakilala ng mga mascot na kumakatawan sa karakter at kultura ng Taguig.
Pitong bagong tauhan ang ipinakilala: sina Eli Madasalin, Luli Mapagmahal, Aya Masayahin, Miggy Magalang, Mika Malikhaín, Juan Masipag, at Kali Makalikasan. Ang mga ito ay magsisilbing gabay sa mga bata habang sila’y naglalaro at natututo.
Kasama sa mga tampok ng parke ang malalaking pasilidad gaya ng higanteng slide, pirate ship, eagle climber, giraffe play equipment, swing tree, sunflower swing, web climber, at iba’t ibang seesaw. Mayroon ding mga instrumentong pangmusika at mga tindahan ng pagkain sa paligid upang mas maging kumpleto ang karanasan ng mga bisita.
Sa pagbubukas ng parke, binigyang-diin ni Mayor Lani Cayetano ang kahalagahan ng espasyong ito para sa kabataan at pamilya.
“Another project is dedicated to our Taguigeño, especially to our youth. Today, we dedicate to the Lord the Taguig Playpark – which will be home to the youth for space of active participation and exercise,” aniya.
(Isa na namang proyekto ang iniaalay sa ating mga Taguigeño, lalo na sa kabataan. Ngayon, iniaalay natin sa Panginoon ang Taguig Playpark – magiging tahanan ito ng kabataan para sa aktibong pakikilahok at ehersisyo).
Dagdag pa niya, “They will have a chance to meet new friends.”
(Magkakaroon sila ng pagkakataong makakilala ng mga bagong kaibigan).
Ang operasyon ng parke ay mula Martes hanggang Linggo, at may dalawang oras ng pagbubukas tuwing umaga (6 a.m.–10 a.m.) at hapon (3 p.m.–8 p.m.).
Limitado sa 100 bata bawat oras ang maaaring pumasok, at bawat isa ay may nakatakdang isang oras na paglalaro. Kinakailangang may kasamang magulang o guardian, at mahigpit na ipinatutupad ang mga alituntunin para mapanatiling ligtas at maayos ang pasilidad.
(Larawan: Think Big Taguig | Facebook)
