Hatol ng korte: Archie Alemania, may sala sa ginawa kay Rita Daniela
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-24 21:14:58
Oktubre 24, 2026 – Guilty ang ipinataw ng korte sa Bacoor City na may sala ang aktor na Archie Alemania sa kasong Acts of Lasciviousness na isinampa laban sa kanya ng aktres na Rita Daniela.
Sa inilabas na desisyon ng korte, hinatulan si Alemania ng indeterminate sentence na mula isang buwan at isang araw ng arresto mayor bilang pinakamababang parusa, hanggang isang taon at isang araw bilang pinakamataas na parusa.
Bukod dito, inatasan din ng korte ang aktor na magbayad kay Rita Daniela ng ₱20,000 bilang civil indemnity at ₱20,000 bilang moral damages bilang kabayaran sa pinsalang idinulot ng insidente.
Ayon kay Atty. Maggie Abraham-Garduque, abogado ng aktres, labis nilang ikinatuwa ang naging resulta ng kaso.
“Syempre, masaya kami sa desisyon. Lumaban si Rita at nakamit niya ang hustisya,” pahayag ng abogada.
Ang kaso ay nagsimula matapos magsampa ng reklamo si Rita Daniela laban kay Alemania dahil sa umano’y hindi kanais-nais na kilos na ginawa sa kanya. Matapos ang ilang taon ng paglilitis at pagdinig sa korte, tuluyang naglabas ng pinal na hatol ang Bacoor City court na nagpapatunay ng pananagutan ng aktor.
Si Archie Alemania ay kilalang personalidad sa telebisyon at pelikula, samantalang si Rita Daniela ay isang singer at aktres na naging bahagi ng ilang teleserye sa GMA Network.
Ipinahayag naman ng kampo ni Rita na umaasa silang magsilbing aral ang desisyong ito sa lahat, lalo na sa mga kababaihan na nakaranas ng pang-aabuso o hindi tamang pagtrato.
“Ang mahalaga ay huwag matakot magsalita at lumaban para sa sarili,” dagdag pa ni Atty. Garduque.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag si Archie Alemania o ang kanyang mga kinatawan kaugnay ng hatol ng korte.
Ang desisyong ito ay itinuturing na isang tagumpay para sa mga kababaihan na patuloy na ipinaglalaban ang kanilang karapatan at dignidad sa harap ng mga abuso.
