Klarisse de Guzman at Kean Cipriano, biglang umusbong ang “KeKla” love angle sa Bar Boys: After School
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-25 23:08:30
Usap-usapan ngayon ang bagong tambalan na hindi inaasahan ng marami—ang “KeKla” nina Klarisse de Guzman at Kean Cipriano—na umani agad ng kilig reactions mula sa audience ng MMFF entry na Bar Boys: After School.
Ayon sa direktor na si Kip Oebanda, hindi talaga planado ang love angle ng mga karakter nina Kean at Klarisse. Ngunit dahil sa natural na chemistry ng dalawa sa set, bigla na lamang nitong naisipang lagyan ng romantikong twist ang istorya ng dating pop star-turned-law student na si Josh (Kean) at ng kanyang fangirl na si Mae (Klarisse).
“Fun-fun lang talaga,” ayon sa dalawa, sabay linaw na wala itong kinalaman sa tunay na buhay.
Mahalagang idiin na married na si Kean sa aktres na si Chynna Ortaleza, habang si Klarisse naman ay may non-showbiz partner na si Trina Rey, na present at very supportive pa noong premiere night sa Robinsons Galleria—isang malinaw na patunay na hanggang pelikula lang ang kilig.
Mas lalong kinilig ang fans nang balikan ang isang tweet ni Klarisse noong 2013 kung saan inamin niyang crush niya si Kean—isang revelation na agad na ni-retweet ng co-star nilang si Will Ashley, dahilan para mas lalo pang tutukan ng netizens ang kanilang on-screen moments.
Para kay Klarisse, espesyal ang proyektong ito dahil first time niyang umarte sa pelikula at mapabilang sa isang loveteam. “Masaya po talaga,” aniya, dagdag pa na malaking experience ang makita ang sarili sa big screen at makasama sa isang MMFF film.
Game naman si Kean kung sakaling ituloy pa ang tambalan nila ni Klarisse sa mga susunod na proyekto. Aniya, matagal na silang magkakilala at naging madali ang kanilang working relationship dahil sanay na silang magkasama sa gigs at events.
Samantala, labis ang pasasalamat ni Direk Kip sa mainit na pagtanggap ng audience sa pelikula, na ayon sa kanya ay bunga ng pagiging “pamilya” ng buong cast sa loob at labas ng set.
Ang Bar Boys: After School ay sequel ng 2017 hit film na Bar Boys, muling pinagbibidahan nina Carlo Aquino, Rocco Nacino, Enzo Pineda at Kean Cipriano, kasama sina Glaiza de Castro, Sassa Gurl, Therese Malvar, Will Ashley, at ang beteranang aktres na si Odette Khan.
Sa dami ng positibong reaksiyon, mukhang hindi malayong masundan pa ang KeKLa—on screen, siyempre.
