Diskurso PH
Translate the website into your language:

Cha Eun-Woo series na ‘The WONDERfools,’ mabibinbin ba dahil sa ₱805M tax issue?

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2026-01-27 18:23:41 Cha Eun-Woo series na ‘The WONDERfools,’ mabibinbin ba dahil sa ₱805M tax issue?

Mukhang hindi lang mga kontrabida sa K-drama ang marunong manggulo — pati real life, may plot twist din. Usap-usapan ngayon ang kinabukasan ng upcoming Netflix series na The WONDERfools matapos madawit ang isa sa mga bida nito na si Cha Eun-Woo sa isang malaking isyu sa buwis sa South Korea.

Ang serye sana, na nakatakdang ipalabas ngayong 2026, ay isa sa pinaka-inaabangang Korean projects ng taon. Bakit nga ba? First time magsasama sa isang proyekto ang dalawang powerhouse stars na sina Cha Eun-Woo at Park Eun-Bin. Pero ngayon, ang tanong ng fans: matutuloy pa ba ito sa tamang schedule, o maaapektuhan ng kontrobersiya?

Ano nga ba ang issue?

Noong January 22, lumabas ang balitang iniimbestigahan si Eun-Woo ng South Korea’s National Tax Service dahil sa umano’y 20 billion won o katumbas ng humigit-kumulang ₱805 million na tax evasion. Hindi ito maliit na halaga — kaya naman mabilis itong naging mainit na topic online.

Ayon sa mga ulat, may kinalaman umano ang kaso sa isang kumpanyang itinayo ng kanyang ina na tinukoy lamang bilang Ms. Choi. Ang kumpanyang ito raw ay nakipag-kontrata sa agency ni Eun-Woo na Fantagio para suportahan ang kanyang entertainment activities. Sa setup, hinahati umano ang kita mula sa kanyang projects sa pagitan niya, ng agency, at ng nasabing kumpanya.

Pero dito pumasok ang problema. Napagdesisyunan ng tax authorities na ang kumpanya raw ay walang aktwal na operasyon at posibleng ginamit bilang shell company para mas mababa ang buwis na mabayaran. Imbes na personal income tax na puwedeng umabot ng 45%, corporate tax rate na nasa paligid ng 20% umano ang ginamit. Nagkaroon ba ng mali sa sistema, o may sadyang umiwas?

Damay ang ‘The WONDERfools’?

Siyempre, hindi maiiwasang madamay ang proyekto ni Eun-Woo — ang Netflix superhero series na The WONDERfools. Ang kuwento nito ay set noong 1999, kasagsagan ng Y2K panic, kung saan isang grupo ng ordinaryong tao ang biglang magkakaroon ng superpowers. May halong comedy at action ang tema — medyo light sana, pero ngayon parang mas dramatic ang nangyayari sa likod ng camera.

Gagampanan ni Park Eun-Bin ang role ni Eun Chae-ni, habang si Eun-Woo naman ay si Lee Woon-jung, isang civic servant na nasasangkot sa serye ng misteryosong pagkawala ng mga tao. Kasama rin sa cast ang mga beteranong aktor tulad nina Kim Hae-Sook at Son Hyun-Joo.

Isang araw bago pumutok ang balita, masaya pang nag-promote si Eun-Bin ng serye sa Next on Netflix 2026 Korea event, at binanggit pa na siya muna ang magpo-promote dahil nasa military service si Eun-Woo. Pero kinabukasan, boom — tax issue headlines agad. Napurnada ba ang excitement?

Ano ang sagot ni Cha Eun-Woo?

Sa gitna ng lumalaking ingay, nagsalita si Eun-Woo sa pamamagitan ng isang sulat na ibinahagi sa Instagram. Humingi siya ng paumanhin sa mga taong nadismaya at nagsabing naglaan siya ng panahon para pag-isipan kung paano haharapin ang isyu.

Inamin niyang napagmuni-munihan niya kung naging sapat ba ang pagiging responsable niya bilang mamamayan, lalo na pagdating sa pagbabayad ng buwis. Nilinaw din niyang ang kanyang military enlistment ay hindi pagtatangkang takasan ang imbestigasyon. Ayon sa kanya, matagal na itong naka-schedule at hindi na niya puwedeng ipagpaliban.

Dagdag pa niya, handa siyang makipagtulungan sa mga susunod na proseso at tatanggapin niya ang magiging pinal na desisyon ng mga awtoridad. Sapat kaya ang paghingi niya ng tawad para sa publiko? O mas matimbang ang legal na proseso kaysa sa emosyon ng fans?

Ano na ang mangyayari ngayon?

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa Netflix kung maaapektuhan ang release ng The WONDERfools. Pero aminado ang marami: mahirap paghiwalayin ang personal na isyu ng isang artista sa proyekto niyang milyon-milyon ang puhunan.

Habang tuloy ang diskusyon online, hati ang opinyon ng netizens — may nananatiling sumusuporta, may naghihintay muna ng malinaw na resulta ng imbestigasyon. Mas mananaig kaya ang tiwala ng fans, o masisira ang imahe ng isang dating “good boy” star? At kung sakaling tumuloy ang series, matatanggap pa rin ba ito ng publiko nang walang bahid ng kontrobersiya?