Hiwalay na nga ba? Asawa ni Archie Alemania na si Gee Canlas tila kumpirmadong solo parent sa emosyonal na post: ‘I’m choosing to love myself’
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2026-02-06 21:35:18
Usap-usapan ngayon sa social media kung tuluyan na ngang nagkahiwalay sina Gee Canlas at Archie Alemania, matapos magbahagi si Gee ng isang malalim at emosyonal na Instagram post na ikinagulat ng marami.
Sa naturang post, tila ipinahiwatig ni Gee na isa na siyang solo parent, bagay na agad pinulot ng netizens. Aminado ang aktres na naging mabigat ang nagdaang taon para sa kanya—punô ng pagod, pagkalito, at masakit na mga realizations.
Ibinahagi ni Gee na may mga panahong kinailangan niyang magtiis at manatili, kahit pa unti-unti na raw siyang nawawala sa sarili. Hindi man niya idinetalye ang mga pinagdaanan, malinaw ang mensahe: may mga sugat na mas piniling tahimik na lang niyang paghilumin.
Ayon pa sa kanya, ang photoshoot na kasama sa post ay naging simbolo ng kanyang pagbabalik sa sarili—isang sandali ng kalayaan at pasasalamat matapos ang lahat ng bigat na kanyang dinanas.
Mas lalong umingay ang espekulasyon nang diretsahan niyang banggitin ang pagpili niya sa sarili at sa kanyang anak na si Caleb. Aniya, nais na niyang mahalin ang sarili nang kasing-buo ng pagmamahal na ibinibigay niya sa iba, at hindi na raw niya pipiliing paliitin ang sarili para kanino man.
Hindi rin nakaligtas sa pansin ng publiko ang tahasang pahayag ni Gee tungkol sa kanyang bagong yugto sa buhay—bilang isang babae, anak, kaibigan, at solo parent. Bagama’t aminado siyang patuloy pa rin ang proseso ng paghilom, sinabi niyang muli na siyang nakatapak sa sariling ugat at unti-unting binubuo ang sarili.
Tinapos ni Gee ang kanyang mensahe sa isang makabuluhang pagbati sa sarili, na para sa marami ay tila simbolo ng isang bagong simula.
Samantala, nananatiling tahimik si Archie Alemania hinggil sa isyu ng kanilang relasyon. Matatandaang nasangkot si Archie sa isang kontrobersyal na legal na kaso noong mga nagdaang taon, kung saan siya ay nahatulang guilty kaugnay ng reklamo ng actress-singer na si Rita Daniela—isang isyung umani ng matinding reaksiyon mula sa publiko.
Hanggang sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula kay Archie tungkol sa kanilang personal na sitwasyon ni Gee.
Tahimik na bang nagsara ang isang dekadang love story, o may pag-asa pa?
