'Kakampink noon, present sa party ngayon?' Direk Darryl Yap, may pasabog kina Pokwang at Pinky Amador
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2026-02-17 22:30:24
Usap-usapan ngayon sa showbiz at social media ang matapang na patutsada ni Direk Darryl Yap laban kina Pokwang at Pinky Amador matapos umanong makita ang dalawa sa isang party na inuugnay sa Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Sa isang Facebook post na agad nag-viral, hindi na nagpaligoy-ligoy pa ang kontrobersyal na direktor at diretsahang binanggit ang pangalan ng dalawang aktres. Ayon kay Direk Darryl, hindi niya napigilang matawa—at mang-uyam—nang makita ang litrato ng mga ito sa nasabing pagtitipon.
“Akala ko makapal na mukha ko… pero nang makita ko ang pictures nila sa paparty ni Bongbong Marcos, isa pala akong mahiyain,” pabirong banat niya na may halong panlalait.
Pero ang tanong ng bayan: simpleng attendance lang ba ito, o may mas malalim na kahulugan?
Mas naging mainit ang usapan nang balikan ni Direk Darryl ang mga naging pahayag noon ni Pokwang laban sa aktres na si Ella Cruz, na binatikos dahil sa pagsuporta sa mga Marcos. Dagdag pa rito ang pagiging vocal umano nina Pokwang at Pinky bilang mga Kakampink noong 2022 elections.
“Yung isa, nang-alipusta dahil sa suporta sa Marcos. Yung isa, akala mo kung sinong santa sa sigaw ng ‘Magnanakaw’ at ‘Human Rights’—tapos present sa buffet?” matapang na hirit ni Direk.
Dugtong pa niya, walang masama kung nagbago ang paniniwala ng tao. Pero ang sakit ng salita at panghuhusga noon—pwede pa bang bawiin? O hanggang sorry na lang ba talaga?
Sa gitna ng lahat, may isang pangalan pa na biglang nasama sa usapan: si Cherry Pie Picache. Ayon kay Direk Darryl, mas nirerespeto pa raw niya ito dahil sa paninindigang nanatiling tahimik at hindi mapanghusga, kahit kilalang sumuporta rin ito sa tambalang Leni Robredo–Kiko Pangilinan.
Hanggang sa ngayon, tikom pa rin ang bibig nina Pokwang at Pinky Amador. May sagot kaya sila? Magpapaliwanag ba? O dedma mode muna?
