Diskurso PH
Translate the website into your language:

'Meet our Nili!' Loisa at Ronnie, masayang ibinahagi ang pagsilang ng kanilang baby girl

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2026-03-13 11:57:22 'Meet our Nili!' Loisa at Ronnie, masayang ibinahagi ang pagsilang ng kanilang baby girl

Masayang ibinahagi ng celebrity couple na sina Ronnie Alonte at Loisa Andalio ang pagdating ng kanilang unang anak, na nagmarka ng panibagong yugto sa kanilang buhay bilang mag-asawa.

Sa isang Instagram post noong March 12, ibinahagi ni Ronnie ang unang larawan ng kanilang baby girl na si Runi Lior, na may palayaw na “Nili.” Makikita sa larawan ang kanilang bagong silang na anak na suot ang isang onesie na may burdang initials na “RL.” Gayunman, pinili ng mag-asawa na hindi muna ipakita ang mukha ng kanilang baby upang mapanatili ang ilang pribadong sandali para sa kanilang pamilya.

Meet our Nili..,” simpleng caption ni Ronnie sa kanyang post.

Agad namang bumaha ng pagbati at mensahe ng pagmamahal mula sa kanilang mga kaibigan, kapwa artista, at fans na matagal nang sumusubaybay sa kanilang relasyon. Kabilang sa mga nagpaabot ng pagbati ang aktres na si Charlie Dizon, na nagkomento ng “Awwwww congratulations,” habang maraming netizens ang nagpahayag ng saya sa bagong milestone ng couple.

Sa kanyang Instagram Stories, hindi rin napigilan ni Ronnie ang magpasalamat sa Panginoon sa pagdating ng kanilang anak. “Thank you Lord!!” saad niya, habang muli niyang ibinahagi ang larawan ng kanilang baby at nilagyan ng caption na “wabyuuu!! (love you).”

Noong nakaraang buwan lamang ay ibinahagi nina Ronnie at Loisa sa kanilang vlog ang gender reveal at baby shower ng kanilang magiging anak. Doon din nila ikinuwento kung paano nabuo ang pangalan ng kanilang baby.

Ayon kay Ronnie, una niyang inakala na lalaki ang kanilang magiging anak kaya naisip niya ang pangalang “Ronnie.” Ngunit nang malaman nilang babae pala ito, binago nila ito at naging Runi, na ngayon ay bahagi ng buong pangalan ng kanilang anak na Runi Lior.

Matatandaang noong Christmas Day 2025 unang inanunsyo ng mag-asawa na sila ay magkakaroon ng anak—ilang linggo lamang matapos nilang sorpresahin ang kanilang mga tagasuporta sa balitang sila pala ay lihim nang nagpakasal.

Sa pagdating ni baby Nili, mas lalo pang kinilig at natuwa ang fans ng tambalang LoiNie, na ngayon ay masasabing nagsisimula na ng bagong kabanata bilang isang masayang pamilya.