Edu Manzano, 'hard launch' na ang bagong pag-ibig? Ipinakilala si Ann Cuisia bilang 'life partner'
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2026-03-14 11:20:23
Usap-usapan ngayon sa showbiz circles matapos niyang ipakilala ang tech company CEO na si Ann Cuisia bilang kanyang “life partner.” Ang rebelasyon ay lumutang sa isang video na ibinahagi ni Rica de Jesus ng Tantoco clan sa social media.
Sa naturang clip, makikita sina Edu, Ann, Rica, at ilang kaibigan na nag-eenjoy sa isang intimate dinner gathering sa isang hotel sa Maynila, habang nagkukuwentuhan sa tabi ng swimming pool at pinapanood ang paglubog ng araw.
Habang kinukunan sila ng video ni Rica, ipinakilala ni Edu si Ann.
“Hi, Rica! This is Ann,” sabi ng batikang aktor.
Ngunit tila nagbiro si Rica at tinanong, “Who’s Ann? Who is she?”
Lumapit si Edu kay Ann at diretsahang sagot: “Oh, she’s my life partner.”
Dahil dito, lalong nag-init ang usapan online—soft launch ba ito o talagang official na ang kanilang relasyon?
Samantala, kinumpirma rin ng media network na kanilang kinabibilangan ang balita. Ayon sa post ng Peanut Gallery Media Network (PGMN), kung saan parehong anchors sina Edu at Ann:
“The rumors are true.”
Dagdag pa ng network, tila “hard launch” na nga ang nangyari nang ipakilala ni Edu si Ann sa kasal ni Franco Mabanta kamakailan.
Pero kailan nga ba unang napansin ng publiko ang closeness ng dalawa?
Matatandaang unang umugong ang tsismis tungkol sa kanila matapos silang makita na magkasama sa prayer rally noong February 25, bilang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng People Power Revolution.
Sa naturang event, namataan pa umano ang dalawa na magkahawak-kamay habang inaawit ang “Ama Namin.” Doon nagsimulang magtanong ang netizens: may namamagitan na nga ba sa kanila?
Bago ang balitang ito, ang huling nakarelasyon ni Edu ay ang aktres na si Cherry Pie Picache. Naghiwalay ang dalawa noong 2023, ngunit nanatili silang magkaibigan at nagkita pa nga kasama ang kanilang common friends noong nakaraang taon.
Ito na nga ba ang bagong forever ni Edu Manzano?
