‘Tigil niyo ‘yan!’: Macoy Dubs at Baus Rufo, sumabog sa queerbaiting content creators
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2026-03-23 10:16:37
Hindi na nagpa-pigil ang “Dogshow Divas” na sina Macoy Dubs at Baus Rufo matapos nilang banatan ang umano’y dumaraming content creators na gumagamit ng queer identity para lang sa clout.
Sa isang kamakailang episode ng kanilang online show na Dogshow Divas, hindi inaasahang napunta sa mainit na usapan ang isyu ng queerbaiting matapos silang tanungin tungkol sa kanilang “coming out” story. Pero imbes na personal na sagot, isang matapang na callout ang ibinato ng dalawa.
“‘Yung mga straight na nagba-bakla baklaan na content—tigil niyo ‘yan!” diretsahang pahayag ni Macoy.
Dagdag pa ni Baus: “Queerbaiting. Tigil niyo ‘yan ha.”
Bagama’t walang pinangalanan, nilinaw ng dalawa na hindi lang ito simpleng patama sa ilang personalidad—kundi isang mas malawak na problema sa social media culture.
Ayon kay Baus, mali ang paniniwala ng ilan na siguradong sisikat sila kapag “pinander” nila ang queer community.
“Anong tingin niyo sa amin—gatekeepers of culture? Na kapag ginaya niyo kami, sisikat na kayo? No,” ani niya.
Sinang-ayunan ito ni Macoy, na aminadong may mga nakikita siyang content na pilit at hindi authentic.
“Ang daming dumadaan sa feed ko—hindi naman talaga bakla pero nagba-bakla baklaan. I know your names,” babala niya.
Para sa duo, hindi isyu ang paggawa ng content—kundi ang intensyon sa likod nito.
Giit nila, kung tunay na kakampi ng LGBTQIA+ community ang isang creator, dapat ipakita muna ito sa tamang paraan—hindi sa pakikisakay sa trend.
“Earn it naman. Allyship muna bago clout,” diin ni Baus.
Hindi rin pinalampas nina Macoy at Baus ang mas malalim na isyu—ang matagal nang nakabinbing SOGIE Equality Bill.
Para sa kanila, hindi sapat na tinatangkilik ang queer community sa entertainment kung hindi naman naipaglalaban ang kanilang karapatan.
“Ipasa niyo muna ‘yung SOGIE bill,” ani Macoy.
“Tuwang-tuwa kayo sa amin ‘pag nagpapatawa kami, pero ‘pag usapang karapatan, wala?” dagdag ni Baus.
Isang matinding tanong ang iniwan ng dalawa: ginagamit lang ba ang queer community para sa aliw?
“Tuwang-tuwa lang kayo sa amin ‘pag clown kami eh, pero puro pa rin homophobia,” ani Baus.
Sa kabila ng seryosong usapan, hindi nawala ang kanilang signature humor—nagbiro pa silang palitan ang title ng show sa “Ragebait Divas.”
Matapos ang episode, umapaw ang reaksyon ng netizens—karamihan ay sumuporta sa matapang na paninindigan ng duo.
Para sa ilan, ito raw ay isang “valid crash out”—isang kinakailangang paglalabas ng sama ng loob laban sa matagal nang isyu ng exploitation at performative allyship online.
