Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sen. Tulfo, nais alisin ang travel tax sa economy class

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-01-27 18:37:44 Sen. Tulfo, nais alisin ang travel tax sa economy class

Nanawagan si Senador Raffy Tulfo nitong Lunes na gawing exempted sa pagbabayad ng travel tax ang mga pasaherong bumabiyahe sa economy class.

"Para sa akin, dapat yung sinisingil na travel tax papunta abroad, dapat yung sumasakay lang ng first class, business class. Yung nagsasakay ng economy, hindi na dapat singilin ng travel tax," ani Tulfo, chair ng Senate Committee on Public Services.

Ipinaliwanag ni Robert Lim, undersecretary ng Department of Transportation (DOTr) para sa Aviation and Airports, na ang travel tax ay kinokolekta ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) sa ilalim ng Department of Tourism (DOT), at hindi sakop ng DOTr.

"It's the Department of Tourism ang nagpapatupad nyan. But in the past, madami na pong efforts to eliminate it at ipasa na lang sa GAA ang pangangailangan ng tourism or TIEZA," aniya. 

"Because yan ang main source of funding ng TIEZA. Ang TIEZA naman ho, nakakatulong sa tourism and even in transport. Nakakapagtulong sila sa mga airport development so beneficiary din ho ang DOTr," dagdag niya. 

Ayon sa Section 73 ng Republic Act No. 9593, ang 50 porsyento ng nalikom mula sa travel tax ay mapupunta sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), 40 porsyento sa Commission on Higher Education (CHED) para sa mga programang pang-edukasyon na may kaugnayan sa turismo, at 10 porsyento sa National Commission for Culture and Arts (NCCA).

Tinawag ni Senador Raffy Tulfo ang travel tax bilang balakid sa paglalakbay at iminungkahi na maghanap na lamang ang TIEZA ng pondo mula sa pambansang budget imbes na maningil ng travel tax. Samantala, inamin naman ni Undersecretary Robert Lim na ang travel tax ay isa nang "anachronism" o isang patakarang lipas na sa panahon.

"Ngayon kung gusto ng budget ng TIEZA, eh di kuha sila sa GAA. Huwag dito sa travel tax," ani Tulfo.

Ang kabuuang travel tax rate sa kasalukuyan ay P2,700 para sa mga pasaherong may first class ticket at P1,620 naman para sa mga pasaherong may economy class ticket.

Noong 2019, sinabi ni Senador Aquilino "Koko" Pimentel III na ang travel tax sa mga Pilipinong naglalakbay sa ibang bansa ay mali at dapat alisin.

Ayon kay Senador Pimentel, nakasaad sa Section 73 ng Tourism Act of 2009 ang mga alternatibong pinagkukunan ng pondo para sa mga programang umaasa sa kita mula sa travel tax, sakaling ito ay alisin.

Bukod dito, exempted sa pagbabayad ng travel tax ang mga overseas Filipino workers, mga Filipino permanent residents na hindi lumagpas ng isang taon ang pananatili sa Pilipinas, mga sanggol na dalawang taon pababa, at ilang iba pang indibidwal na may espesyal na kalagayan.

(Larawan mula sa Philippine Flight Network)