Mga pari sa Pilipinas, inakusahan ng pang-aabuso sa mga bata
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-01-31 08:59:11
Isang online database na inilunsad ng BishopAccountability.Org, isang watchdog na nakabase sa Estados Unidos, ang naglalaman ng mga detalye ng higit sa 80 pari ng Simbahang Katoliko na inakusahan ng pang-aabuso sa mga menor de edad sa Pilipinas.
Ayon sa organisasyon, ang mga obispo ng Pilipinas ay sinasabing nagtakip sa mga krimen sa pamamagitan ng pananahimik sa isyu, na matagal nang pinagtatakpan sa bansa kung saan malalim ang ugat ng Katolisismo.
Ang database ay naglalaman ng mga pangalan, mukha, at detalye ng mga umano'y pang-aabuso, na ang ilan ay naganap mahigit dalawang dekada na ang nakalipas. Kasama rito ang mga paring Pilipino na inakusahan ng pang-aabuso sa mga menor de edad sa Pilipinas, mga paring Pilipino na naglingkod ng bahagi ng kanilang pagka-pari sa Pilipinas ngunit inakusahan ng pang-aabuso sa mga menor de edad habang naglilingkod sa Estados Unidos, at mga inakusahan na klero mula sa ibang bansa—partikular na ang Estados Unidos, Ireland, at Australia—na naglingkod ng bahagi ng kanilang pagka-pari sa Pilipinas..
Sa Pilipinas, 27 kaso ang naiulat sa mga lugar tulad ng Laoag, Borongan, Caceres, Dipolog, Cebu, Negros, Pampanga, Butuan, at San Fernando, bukod sa iba pa.
Ayon kay Anne Barrett Doyle, direktor ng BishopAccountability.Org, ang pananahimik ng mga obispo sa Pilipinas ay nagbigay-daan sa patuloy na pang-aabuso.
Sa tugon sa paglulunsad ng database, sinabi ni Cardinal Pablo Virgilio David, isang lider ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas, na ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay nagtatag ng isang opisina upang pangalagaan ang mga menor de edad at mga mahihinang indibidwal, pati na rin ang pag-uulat ng mga reklamo sa Vatican
Gayunpaman, binigyang-diin ng database ang malaking kakulangan sa mga mekanismo ng pananagutan sa Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa.
Ayon kay Doyle, "The bishops in the Philippines seem to feel entitled to their silence. They feel entitled to withhold information about violence against minors. They feel entitled to protect accused priests."
Isa sa mga kasong binanggit ni Doyle, ay kinasasangkutan ni Fr. Jose Belcina, na kinasuhan ng mga piskal ng panggagahasa at pang-aabuso sa bata sa Cebu noong 2006.
Ayon sa The New York Times, sinabi ni Doyle na inalis ng simbahan si Belcina mula sa kanyang parokya at pinasailalim sa isang proseso ng espiritwalidad.
Dagdag pa sa ulat, itinanggi ni Belcina ang mga paratang, na kalaunan ay binawi ng nag-aakusa dahil sa mga dahilan ng pagkakasundo at kapayapaan. Sinabi rin sa ulat na muling itinalaga ang pari sa isa pang parokya sa Cebu noong 2008 at nananatiling aktibo sa ministeryo.
Samantala, sinabi ni Cardinal Pablo Virgilio David, "Our mandate from Rome is to take the issue of accountability seriously, especially cases of abuse involving priests."
Ang paglulunsad ng database ay isang mahalagang hakbang sa pagharap sa isyu ng pang-aabuso ng mga klero sa Pilipinas, isang bansa kung saan nananatiling malakas ang impluwensya ng Simbahang Katoliko.
(Larawan mula sa Catholics & Cultures)
